Kontrobersiya at eskandalo ni Erap binuhay ng ANC
Naloka ako nang panoorin ko ang feature story ng ANC tungkol kay Papa Joseph Estrada noong Martes.
Naloka ako dahil ipinakita nila ang mga kontrobersiya at eskandalo na kinasangkutan ni Papa Erap nang nakaupo pa siya noon sa Malacañang Palace.
Talagang nagkaroon ako ng malisya sa aking napanood dahil kung kailan malapit na ang eleksiyon, saka naglabas ang ANC ng ganoong kuwento.
Parang gusto nilang ipaalaala sa publiko ang mga nangyari sa panahon ng panunungkulan ni Erap para mabawasan ang mga boboto sa kanya.
* * *
Nag-emote ang isang PSN reader na nagpadala sa akin ng e-mail dahil napansin niya na puno ng hangin ang pagsasalita ni Erich Gonzales.
Inilagay ko ang e-mail address ng reader na naloka dahil nakatanggap daw siya ng violent e-mails mula sa fans ni Erich. Bakit daw kailangan pa na i-publish ko ang kanyang e-mail address? Akala raw niya eh considered as confidential ang mga e-mail address ng mga nagpapadala sa akin ng mga komento?
Nakoo iha, hindi mo naman ni-request na huwag i-publish ang e-mail address mo. Saka, kapag nagpadala ka ng mga reaksiyon sa mga isyu o comment tungkol sa mga artista, marunong ka dapat na manindigan. Kung hindi mo mapapanindigan ang mga reaksiyon at opinyon mo, pigilan mo na lang ang sarili mo sa pagpapadala ng mga komento dahil hindi talaga mawawalan ng mga tao na hindi papabor sa’yo!
* * *
Narinig ko ang balita na drama show ng Viva Television ang ipapalit sa timeslot ng Daisy Siete kapag nagbabu na ito sa GMA 7.
Quiet pa ang GMA 7 management tungkol sa isyu kaya hintayin na lamang natin ang announcement nila.
Dati nang nagpo-produce ng mga TV show ang Viva Television para sa GMA 7. Kung maalaala ninyo, napapanood noon sa mga show ng Kapuso network ang mga sikat na artista ng Viva Films.
* * *
Habang papalapit ang eleksiyon sa Lunes, lalong dumarami ang mga TV ad ng mga kandidato.
Talagang nagpapatalbugan ang mga kandidato sa kanilang mga TV ad kaya siksik na siksik sa mga political ad ang mga news program.
Malakas ang recall ng Otso-Otso campaign ad ni Bong Revilla at type ko ang pagkakagawa sa TV ad ng isang partylist na may slogan na hindi lahat ng nakadilaw ay Bayani.
* * *
Tawa ako nang tawa sa interbyu kay Senator Miriam Defensor-Santiago sa Ioilo City airport.
Nakaranas ng tatlong minutong air turbulence ang eroplano na sinakyan nina Mama Miriam at Senator Loren Legarda nang magpunta sila sa Iloilo noong Martes.
Ang sey ni Mama Miriam, nagsigawan na ang mga pasahero dahil sa malakas na pagyugyog ng eroplano. Hindi raw siya natakot dahil nag-enjoy siya sa mga narinig na screaming.
Aliw na aliw ako kay Mama Miriam at sa katapangan na ipinakita niya. Ang mga katulad niya ang dapat ibalik sa senado.
- Latest