Piolo loyalista
Balitang aalis din ng ABS-CBN si Piolo Pascual, susundan niya ang ehemplo ng ilan niyang Kapamilya na nangapitbahay. ’Yun nga lang, ’di tulad ng ibang gumagawa nito, hindi na sila bumabalik.
Sa isang interview, sinabi ni Piolo na wala siyang balak na lumipat ng bahay.
“I’m very much a Kapamilya. Wala akong balak lumipat. Masaya ako sa kinalalagyan ko. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang ganyang balita. Hindi totoo,” sabi ng pambatong aktor ng Dos.
Nagkaroon ng ganitong balita matapos na lisanin ng ilang Kapamilya ang network at lumipat sa dalawang kalabang istasyon. Hindi mo naman sila masisisi dahil career move ang ginawa nila. Kumonti na ang mga projects nila at ang ilang natira ay hindi naman sila nabigyan ng karampatang pagpapahalaga.
Pero si Piolo no problem. Kuntento siya sa pag-aalaga sa kanya. Hindi lamang sa telebisyon kundi maging sa pelikula. Isa siya sa mga nagdadala ng network. So, bakit siya aalis?
* * *
Galit na galit ang kampo ni Gibo Teodoro sa mga gumagawa ng sinasabi nilang bayarang surveys na ipinalalabas na parang dalawang libo lamang ang bilang ng mga botanteng Pilipino gayong 90 milyon tayo.
Nalilito sila sa layunin ng mga surveys dahil anila, hindi naman napapakain at napag-aaral ang mga mahihirap na Pinoy ng mga nasabing surveys. Sa dami nga naman ng botante, bakit ang boses lamang ng 2,000 Pinoy ang naririnig at nakikita?
Kung nais n’yong marinig ang inyong mga boses at maipaabot sa lahat ang inyong gustong sabihin, pumunta sa tinigmasa.com. Bawat komento n’yo ay bibilangin na parang boto mo sa mga kandidato. Dito, makikita mo ang tunay na numero ng mga Pilipino at hindi ng mga survey na napepeke lamang.
* * *
Napanood n’yo ba ’yung ginawang endorsement ni Vilma Santos para kay Noynoy Aquino? Napakaganda ng pagkakagawa. At tanging ang gobernadora lamang ang makagagawa ng ganun kaepektibong kampanya.
Marami nang artista ang gumawa ng endorsement para sa maraming kandidato pero walang tatalo pa sa ganda ng ginawa ni Vilma para sa kapatid ni Kris Aquino. Hindi mukhang isang kampanya, tumitimo sa puso. Magaling ang nakaisip ng konsepto at gumawa ng script. Hindi kakaunting pogi points ang naibigay nito kay Noynoy.
* * *
Kahit anong pintas at pamumuna ang tinatanggap ni Kris Aquino sa pagganap niya ng kanyang role sa Kung Tayo’y Magkakalayo, wala ni isa mang viewer ng nasabing toprating serye ang pumapayag na mamatay siya sa serye. Mag-iiba raw ang takbo ng istorya kapag namatay siya, mababawasan ang ganda ng istorya dahil sa totoo lamang, si Celine ang nagbibigay ng conflict at mga problema na kinakailangan at sinusundan sa serye.
Hindi na magiging effective ang character ni Jaclyn Jose, wala ng pagmamalupitan ang character ni Albert Martinez, at wala ng pahihirapan ng kalooban ang character naman ni Kim Chiu.
Pero kung dati ay hindi tatanggapin ni Kris na mamatay siya sa serye, payag na siya ngayon. Pagod na pagod na kasi siya sa kampanya at nagkukulang na ang panahon niya sa kanyang pamilya. Nalulungkot man siya but if she were to choose, ang pamilya niya ang palaging una sa list of priorities niya.
Dalawang versions ang gagawin para ma-please all the viewers of the series. Sa isa, mamamatay siya, sa ikalawa, hindi. No matter how they cure the story, Celine’s death is a no-no sa lahat. Magagalit lahat, kasama na ako, sa magiging kamatayan niya.
- Latest