Agua Bendita nanguna sa Dos
MANILA, Philippines - Namayagpag ang Agua Bendita ng ABS-CBN base sa national TV ratings survey na isinagawa ng TNS (Taylor Nelson Sofres) noong Marso 2010. Pumalo ng 39.6 percent ang ratings nito.
Umariba ang ABS-CBN at tumabo ng average audience share na 45 percent noong Marso 2010, panalo ng 11.9 percentage points kumpara sa kalaban na pumatak lamang sa 33.1 percent. Umangat din ng 2.1 points ang Kapamilya Network laban sa audience share nito na 42.9 percent noong Marso 2010. Maging sa Mega Manila ay tumaas din ang audience share ng ABS-CBN mula 33 percent noong Marso 2010 papuntang 36.9 percent noong nakaraang buwan.
Samantala, pito naman sa top ten weekday programs ay mula sa ABS-CBN ayon pa rin sa datos ng TNS. Pumapangalawa ang Kung Tayo’y Magkakalayo (34.6%), ika-apat ang Habang May Buhay (28.3%), ika-pito ang Tanging Yaman (23.8), ika-siyam ang Rubi (22.3%) at ika-sampu ang Wowowee (22.1%).
TV Patrol World pa rin ang nangungunang newscast sa bansa sa average rating nitong 32.5 percent. At ayon sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Pebrero 21 to 25, 63% ng mga Pilipino ang nagsasabing ABS-CBN ang pinakapinaniniwalaang TV network pagdating sa pagbabalita ng mga pangyayari sa kampanya nitong Mayo 2010 halalan.
Panalo rin ang ABS-CBN sa weekends. Nanguna ang Pilipinas Got Talent (36.5%), na sinundan ng Rated K, (31.7%), Agimat: Tonyong Bayawak (29.5%), Goin Bulilit (29.4%), Maalaala Mo Kaya (27.4%), TV Patrol Linggo (24.9%) at TV Patrol Sabado (23.7%).
Taliwas sa ibang balita, tinalo ng ASAP XV ang bago nitong kalabang show na Party Pilipinas nang pumalo ito sa rating na 18.5 percent kumpara sa 14.5 percent ng bagong kalaban noong March 28 sa TNS national TV ratings. Namayagpag din ang AM station nitong DZMM, na nananatiling numero unong AM station sa Mega Manila sa audience share na 22 percent noong Pebrero ka-tie ang DZRH ayon sa 2010 Nielsen Mega Manila RAM para sa buwan ng Pebrero, habang ang TV counterpart naman nitong DZMM Teleradyo ay ang nangunguna pa ring cable news channel sa parehong lugar. Umangat din ito sa ika-24 na spot sa lahat ng cable channels at tinalo pa ang mga international news channels.
Anniversary party ng Sweet Life, isang linggo
Tatlong taon na ang The Sweet Life ng Q Channel 11. At isang week-long celebration ang ihahatid ng show ngayong linggo (April 19-23) para simulan ang pagpasok nito sa kanilang ika-apat na taon.
Siguradong isang kapana-panabik na celebration ang mapapanood sa show nina Lucy Torres-Gomez at Wilma Doesnt at ang roving reporter na si Grace Lee, dahil mga bago at interesting discoveries, places, at personalities ang kanilang ipapakilala sa kanilang loyal viewers.
Sa unang araw ng anniversary bash ng The Sweet Life (April 19), makakausap ni Lucy ang world renowned na furniture designer na si Kenneth Cobonpue sa isang exclusive interview.
Makikita naman ni Wilma sa personal sa unang pagkakataon ang isang taong matagal niya nang kilala. Ito’y mangyayari sa GMA Pinoy TV event sa San Francisco, California kung saan nag-perform sa harap ng dalawang libong fans sina Dennis Trillo, Mark Herras, JayR, Kyla, Steven Silva, at Nonito Donaire. Isang interesting personality din ang makikilala ni Grace – ang 60-year-old Balisong King ng Batangas na si Diosdado Ona – na may pinakamalaking koleksiyon ng balisong.
Habang iniikot ni Lucy ang Tabora sa Cebu, kung saan mabibili ang pinakamasarap na danggit at iba pang daing ngayong Martes (April 20), ang Jelly Belly Lane Fairfield sa California naman ang bibisitahin ni Wilma para matikman ang world famous gourmet candies.
Sa Miyerkules naman, ang Crown Regency Hotel and Towers sa Cebu at ang modern amenities nito na edge coaster, skywalk extreme, at 4D theater ang sisilipin ni Lucy. Shopping naman ang pagkakaabalahan ni Wilma sa Sta. Clara at Great Mall sa California — ang pinaka-popular na mall sa mga Pinoy sa lugar.
Sa Los Angeles, bibigyan ni Krista Ranillo ng exclusive peek ang mga viewers sa kanyang buhay at lumalagong business.
Sa pagtatapos ng isang linggong selebrasyon sa Biyernes, bibisita si Wilma sa US Air Force Travis base sa California para makipagkilala sa mga miyembrong Pinoy ng US Armed Forces. Titikman din niya ang pagkain sa Intramuros — ang pinaka-popular na Filipino fine dining restaurant sa San Francisco. Pagkatapos makipagtsikahan ni Lucy sa ’90s sensation na si Donna Cruz tungkol sa kanyang buhay, pupuntahan naman niya ang Maribago, isang world-class beach resort sa Cebu.
Huwag kaligtaan ang The Sweet Life na kailan lang ay nanalong best lifestyle show sa ikalawang pagkakataon sa Gawad Tanglaw Awards, Lunes hanggang Biyernes, 5:00 p.m., sa QTV.
- Latest