Eugene makikipaghulaan sa mga bata
MANILA, Philippines - Sisiw lang ba sa iyong intindihin ang mga gustong iparating ng mga bata?
Simula bukas, Biyernes, April 16, masusubukan ang husay ng mga matatanda na unawain ang mga gustong sabihin ng mga bata sa Wachamakulit. Ito ang gameshow na buong husay at buong pagmamalaking ginawa ng GMA bilang dagdag sa Bilib Ka Ba Araw-Araw.
Upang samahan ang tatlong matatandang kalahok na maglalaban-laban sa tatlong round nang nakakabaliw na hulaan ay si Hot Mama Eugene Domingo.
Simple lang ang takbo ng game - mas mabilis makahula ng tama, mas mataas ang makukuhang puntos.
Sa unang round na Wach Dat?, puwedeng makahula ang mga kalahok ng maximum na apat na bagay o ideya. Para tulungan sila ay ang mga bulilit na 5 hanggang 10 taong gulang, na sa umpisa ay mamimigay ng mga mahihirap na clues na unti-unting dadali habang patagal nang patagal ang hulaan.
Suwerte ang maraming kakilala sa pangalawang round na Tao Po!, kung saan isang child star ang mag-iimpersonate o magdadala ng bagay na may kaugnayan sa mystery person. Puwedeng makahula ang mga kalahok ng maximum na tatlong tao na maaring pangalan ng celebrity o propesyon.
Susubukan naman ang husay sa musika sa pangatlong round na Kantaranta. Kailangang makinig mabuti ang mga kalahok sa isang kiddie band na tutugtog ng maximum na tatlong kanta, 15 segundo bawat tugtog upang masabi nila nang tama ang mga song titles. Tiyak na hindi lang maaaliw bagkus mabibilib pa ang mga manonood sa kiddie band na kayang tumugtog ng parehong makabago at makalumang mga awitin.
Ang kalahok na may pinakamataas na nakolektang puntos ang didiretso sa jackpot round na Feeling Clues. Dito ay dapat mahulaan ng kampeyon ang tatlong bagay na magkakaugnay sa loob ng 30 segundo. Bongga sa katatawanan at excitement ang round na ito dahil sasamahan ni Eugene Domingo ang mga batang magpapahula, gamit ang charades o paint-me-a-picture game.
- Latest