Jericho suwertihin na kaya sa pagbuhay ng banda?
Dalawang taon na akong hindi nakakasama sa Our Lady of Manaoag pilgrimage na 20 years na naming ginagawa every Holy Monday nina German Moreno. Last year, may dalawa akong bisita na hindi na-accommodate sa sasakyan, nakahihiya naman kung iiwan ko sila, kaya ’di na lang ako sumama.
This year naman, nataon sa birthday ng anak ko na hindi ko na halos nakikita dahil sa ospital na naka-dorm. She took a little time out from work at umuwi para mag-celebrate kasama kami.
First time rin na hindi kami naka-visita iglesia ng ilang katotong movie press dahil may ibang pinagkakaabalahan ang palagi nang nagdadala sa amin sa mga simbahan, si Ms. Virgie Balatico. Nanggaling na kami sa mga simbahan sa Laguna. May panahon na mga simbahan naman sa Bulacan ang nililibot namin. Nakaikot na rin kami ng Metro Manila starting in Quezon City hanggang makarating kami ng Mall of Asia. Bawat isang simbahan, isang Way of the Cross.
Dito sa Metro Manila, wala na kaming simbahan na hindi napupuntahan. Kaya lumalayo na kami pero, isang araw lang. May plano to tour Zambales, starting sa Olongapo hanggang sa Sta. Cruz. Kelan kaya ito mangyayari?
Nung Good Friday, pagkagaling sa simbahan napadaan kami sa isang Jollibee outlet sa harap ng subdivision na kung saan ako nakatira. Bibili kami ng French fries, ’yun na lang ang magiging hapunan namin. Ang haba ng pila, puno ang lahat ng mga mesa. Parang hindi Biyernes Santo, ang daming kumakain ng spaghetti at hamburger! Naalaala ko ’yung ipinatabi kong spaghetti. Sa katabing pizza house, pila rin ang mga umoorder, lahat ng variety, may karne.
Passé na ba talaga ako? Sa bahay fried fish at ensaladang letsugas ang ulam sa tanghali. Sa umaga, tinapay lang, French fries nung gabi. Sa inumin, tubig, at calamansi juice lang, ’yung gawa ng Magnolia. Ang sarap, promise! Tapos tig-isang fruit pie.
Sa simbahan, pinipilahan ang Santo Entierro na nasa aisle. Halos lahat ng tao, nakaitim. Ako in dark brown pero ang anak ko naka-pulang T-shirt. May nagsabi ba kung anong kulay ang dapat gamitin?
As expected, nagawa pa ring makapangampanya ng mga kandidato nung Huwebes at Biyernes Santo. Ipinalabas kasi sa TV ’yung debate ng mga kandidato. Kahit sabihing replay, pangangampanya pa rin ’yun.
Kung dati mga religious movies lamang ang palabas sa TV, sa mga local channels kundi reruns ng mga old films, replays ng mga public affairs programs ang ipinalabas. Tanging ang TAPE, Inc. lang yata ang gumawa ng mga pang-Mahal na Araw na palabas na napanood sa GMA 7. Sa ABS-CBN nagpalabas ng marathon ng Agua Bendita.
Pero, hindi tulad ng birthday ni Jesus kung Dec. 25th na bongga nating ipinagdiriwang, hindi ganoon kabongga natin sine-celebrate ang Pasko ng Pagkabuhay o Easter Sunday.
Iba’t iba ang paraan nang paggunita sa Mahal na Araw, pero iisa ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Happy Easter!
* * *
Habang ang maraming artista ay nasa labas ng lungsod at kung hindi natutulog at nagpapahinga ay nagsu-swimming, marami pang artista rin ang nagpasya na dito na lamang sa Maynila gunitain ang Mahal na Araw. Tulad nina Rayver Cruz, Paloma, Diether Ocampo, Isabel Oli. Bakit ka nga naman makikipagsiksikan pa sa Boracay, eh ’pag kakaunti na ang mga tao at saka ka pumunta. At hindi naman panahon nang pagsasaya ang Holy Week, ’di ba? Wait until He’s risen bago ka magsaya, puwede?
* * *
Kung gaano ka-intense bilang isang artista si Jericho Rosales, ganoon din o baka mas intense pa siya bilang isang singer/songwriter. Marami ang hindi nakababatid na nakapag-launch na ng isang album sa Malaysia si Jericho kasama ang dating banda niyang Jeans. Matagumpay ang ginawang paglulunsad pero natabunan ito at mas nabigyan ng importansya ang nakasabay nitong malaking problema at kontrobersiya sa buhay ni Jericho. Maaga itong nabuwag pero kasabay ng kanyang pagtatagumpay sa pag-arte, gusto ni Jericho na buhayin muli ang kanyang music career. Maging matagumpay kaya siya? Baka naman muli nito siyang hilahin pababa? Darating kaya sa punto na kailangan niyang pumili between his acting and his music?
* * *
Kung meron sigurong dapat mapansin ang mga tao na nagbibigay ng award para sa TV at mga taong bahagi nito, ito ay si John Estrada na gumaling na bilang isang actor. Ang husay nito sa kanyang role bilang isang doktor at ama ng kambal sa Agua Bendita. Hindi natin siya madalas mapansin dahil naaagaw ang pansin natin ng magaling ding batang gumaganap ng role ng kambal pero mahusay ang dating alaga ni Douglas Quijano at dating next to nothing lamang ni Richard Gomez.
Nahasa na ng panahon si John, pagbabalik ni Goma, sigurado akong magugulat siya sa mahusay na kaibigang aktor na kanyang daratnan.
- Latest