'Naging Mahirap' parang nursery rhyme
Wala namang tampo ang tandem nina Ariel at Maverick sa GMA 7. Bukod sa programa nilang Masquerade ng Bilib Ka Ba Nights, meron pa rin silang isang Hollywood movie na natapos, ang maituturing na first reality movie in the Philippines, pero hindi maipapalabas hangga’t may problema ang GMA sa kanilang visa.
At dahil matagal na rin naman silang tengga at walang ginagawa bilang Kapuso, minabuti ng dalawa na bumalik ng TV 5 at buong puso naman silang tinanggap na muli. Bahagi na sila ngayon ng kalulunsad na News 5, ang News and Public Affairs programming block na may siyam na programa na naglalayong bigyan ng bagong level ang pagbabalita sa bansa.
Mapapanood muli sina Ariel at Maverick sa Totoo TV, Lunes, 9:30 ng gabi. Isa itong public service program na nilagyan ng humor para mas entertaining. Magtuturo ang dalawa, magbibigay ng impormasyon kung paano mag-survive in the city. Isa rin itong expose na gagawin nila sa nakatutuwang pamamaraan. Ipakikita ng dalawa ang simpleng pagkuha ng birth certificate o kaya ay NBI clearance pero nagiging mahirap at masalimuot dahil sa mga maling sistema na nakagisnan na natin.
Sa pamumuno ni Luchi Cruz-Valdez, ang News 5 bukod sa pagbibigay ng mga balita sa mas agresibong pamamaraan at mas may lalim, magsisimula rin silang magbigay ng mga solusyon sa mga isyu at bagay na kinakaharap ng bansa.
Nagsimula na ang mga public affairs programs na tulad ng Tutok Tulfo (Sabado, 5:30 ng hapon at 6:30 ng gabi) ni Erwin Tulfo at Under Special Investigation o USI (Linggo, 5:30 ng hapon at 6:30 ng gabi) ni Paolo Bediones, simula na rin ng full blast programming ng lima pang news programs tulad ng Timbangan (Martes, 9:30 ng gabi) ni Winnie Monsod na kung saan titimbangin niya ang mga pangako ng mga kandidatong tumatakbo ngayong eleksiyon laban sa kanilang track records.
Dadalhin naman ni Luchi ang mga manonood sa mga balitang hindi natin narinig na nakalap ng mga masisipag na journalist ng News5 sa Dokumentado (Miyerkules, 9:30 ng gabi).
Mapapanood naman ang Ako Mismo hosted by Chris Tiu (Huwebes, 9:30 ng gabi), istorya ng volunteerism at heroism ng mga ordinaryong Pinoy. Ang mga malalaking docu na napapanood lamang sa mga cable channels ay ikukuwento ni Lourd de Veyra sa Tagalog tuwing Biyernes, 9:30 ng gabi sa Lupet.
Samantala, sa pamamagitan ng masusing pag-iimbestiga niya ay ipakikita nina Paolo Bediones at Cheryl Cosim sa USI ang mga totoong mukha ng maraming maimpluwensiyang tao sa bansa.
Ang Aksyon (Paolo at Cheryl) ay mapapanood gabi-gabi, 9:00-9:30 ng gabi at Sabado’t Linggo (Cheri Mercado), 6:30 p.m. Ang Sapul naman ay isang umagang news reporting (5:30-7:00 a.m.) na ihahatid nina Erwin, Martin Andanar, Lourd at Shawn Yao.
Bukod sa Tutok Tulfo at USI na nagsimula na, ang ibang mga palabas ay magsisimulang umere sa Lunes, Abril 5.
* * *
Gusto kong papurihan kung sino man ang gumawa ng mga jingles ng presidentiable na si Manny Villar kasi nagmimistula na itong nursery rhyme para sa mga kabataan. Walang bata na hindi sasabay kapag kinakanta na ito sa TV.
Sa tindi ng lakas ng unang ad ni Villar na Naging Mahirap, mabilis na sumunod dito ang isa na namang ad na may pamagat na Hindi Bawal Mangarap na napakabilis makabisa, lalung-lalo na sa mga bata, na ikinaka-insecure ng mga kalaban ni Villar dahil sa jingle pa lamang ay naungusan na sila nito.
Balita nga na pati ang dalawang bulilit ni Ruffa Gutierrez na napapanood sa Goin’ Bulilit na sina Lorin at Venice ay kinakanta ang jingle ng senador. Hindi lang daw kinakanta ng dalawang bagets ang ad jingle ni Villar, ikinakampanya pa nila ito. Kaya nang malaman ito ni Sen. Villar, pinadalhan ng mga laruan ang mga anak ni Ruffa.
- Latest