Ogie at Regine libre lang sa Amanpulo vacation
Sa Amanpulo magpapalipas ng Mahal na Araw ang magdyowang sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez. Regalo ito sa kanila ni Tony Tuviera ng TAPE, Inc. at kahit expensive, hindi nila tinanggihan dahil alam nilang mahal sila ng produ. Sa Linggo na ang balik ng dalawa.
First time magbakasyon sina Ogie at Regine na walang kasama, silang dalawa lamang talaga. Malaking bagay ito sa kanila dahil nitong mga nakaraang linggo ay lubhang naging abala sila, lalo na si Ogie sa paghahanda para sa pagsisimula ng Party Pilipinas.
Sulit naman ang pagod nila. Lahat ay nagsasabing maganda ang programa, napaka-exciting at very lively. Lahat ng cast ay gumagalaw, walang nakatayo lamang at nagmukhang dekorasyon.
“Happy ako dahil napakataas ng production value. Pero bunga ito ng walang humpay na rehearsals. Si Ogie nga kahit pagod na kami, ayaw pumayag na magpahinga kami. Gusto tuluy-tuloy hangga’t hindi perfect ang number. Nagagalit pa ’pag ayaw naming sumunod, parang siya ang producer,” reklamo ng Asia’s Songbird.
Pero ang maganda, hindi nila na-feel ang pressure.
“More than the pressure, ingay ang narinig ko at excitement,” sabi ni Regine.
’Di lang naman sa Party Pilipinas happy si Regine. Equally excited and elated siya nang malaman na consistent sa pagiging number one sa ratings ang Diva.
“Involved ako sa pagpili ng mga songs na ginagamit namin. Every week, may branstorming kami. Abangan n’yo ’yung episode na kung saan maggi-guest sina Rada, Mitch Valdez, Eva Castillo, Pinky Amador, and Skarlet. Magkakasama silang lahat sa isang episode bilang mga madre. Riot talaga, huwag n’yong palalampasin.
“Abangan n’yo rin ang guesting ni Richard Gutierrez, may negotiation nang ginagawa para dito. Sayang dahil pangit pa yata ako ’pag nag-guest siya. Pero na-notice n’yo ba, binawasan na ang pimples ko? ’Yun nga lang, talagang pangit ang character ko,” tsika ni Regine sa amin.
* * *
Sumabak na si Diva Montelaba, sa kanyang first acting job sa Maynila katambal si Rodjun Cruz.
“Akala ko nung una mahirap, hindi naman pala. Hindi ko nga namalayan na nagtatrabaho pala ako. Enjoy talaga ako sa ginagawa ko,” anang baguhang artista na bunga ng Starstruck V.
“Ang bilis pa ng bayad. After taping, nakuha ko agad ’yung talent fee ko. Sana mabigyan pa ako ng maraming assignments para hindi na kami mamroblema sa gastusin namin at pambayad ng apartment. Andito na rin sa Manila ang mama ko. Pero naiwan niya sa Cebu ’yung dalawang brothers ko. Inaalagaan sila ng stepdad ko at ng mga tita ko,” dagdag pa ni Diva na regular na siyang mapapanood sa Party Pilipinas na magbibigay sa kanya ng regular ding kita.
May natitira pa sa napanalunan niyang P200,000 sa Starstruck na ipinambayad niya ng apartment at ang iba ay nakatago na sa bangko.
* * *
Sa Precious Hearts Romances (PHR) Presents Quikilig Lumang Piso Para sa Puso, pinatunayan ng real-life sweethearts na sina Kristine Hermosa at Oyo Sotto na pasok ang kanilang loveteam sa panlasa ng masa. Araw-araw, marami ang natatawa, kinikilig, at nananabik sa bawat eksenang hatid ng tambalang Tin at Oyo.
Kung kailan naman nagkaaminan na ng kanilang tunay na nararamdaman sina Sandra (Kristine) at Dave (Oyo), bigla namang magkakasabwatan sina Erika (Niña Jose) at Konsehal Magtulis (DJ Durano) para guluhin ang kanilang relasyon. Sa isang iglap, muling maglalaho ang lumang piso ni Sandra at si Dave ang pagbibintangan.
Pakatutukan ang pagtatapos ng Quikilig Lumang Piso para sa Puso, bukas, Miyerkules, March 31, 5:15 p.m., pagkatapos ng Pilipinas Got Talent sa ABS-CBN.
Sa Monday, April 5, pagbibidahan nina Valerie Concepcion at PBB Double Up ex-housemates Tom Rodriguez, Cathy Remperas, at Johan Santos ang episode na Love Me Again.
* * *
Hindi pa man natatapos ang Tanging Yaman ay may follow up TV project na si Matt Evans. Isa siya sa mga magiging leading men ni Empress Schuck sa pinaka-bagong ABS-CBN soap na Rosalka. Makakasama niya sina Felix Roco at Isabelle Abiera.
- Latest