Nadala kay Lovi, Jolo ayaw muna sa babae
Masayang-masaya ang parents ni Jolo Revilla na sina Sen. Bong Revilla at Lani Mercado sa magandang takbo ng career ng kanilang binatang anak. Top-rating ang kanyang Pepeng Agimat series sa ABS-CBN na kakatapos lang ipalabas kaya nakatakda na naman niyang simulan ang kanyang bagong TV series na hango rin sa mga pelikulang ginawa at pinasikat ng kanyang lolo, ang dating senador na si Ramon Revilla, Sr.
Kahit break na sina Jolo at Lovi Poe, inamin ng ama ni Gabriel na nanatili ang kanilang pagkakaibigan. Katunayan, binati pa siya ni Lovi sa kanyang kaarawan last March 15.
Sa ngayon, focus muna si Jolo sa kanyang career at sa kanyang anak na si Gab. Saka na raw niya haharapin muli ang lovelife when the right girl comes along.
When not busy, tumutulong din si Jolo sa pangangampanya sa kanyang amang si Sen. Bong Revilla na reelectionist sa pagka-senador at ang kanyang inang si Lani Mercado na kandidato naman sa pagka-kongresista ng lone district ng Bacoor, Cavite.
* * *
Ang superstar na si Nora Aunor ang kaisa-isang Filipina actress ang nakapasok at siyang nanguna sa 10 Best Asian Actresses of the Decade sa 2010 Green Planet Movie Awards na ginanap sa The Westin Bonaventure Hotel & Suites sa Los Angeles, California nung nakaraang Martes (March 23) ng gabi.
Lima ang nagmula sa China, dalawa sa Japan at dalawa ang nagmula sa Korea. Ang limang Chinese actresses na pinarangalan ay sina Zhang Ziyi, Gong Li, Maggie Cheung, Angelica Lee at Yaqing Jin.
Ang dalawang Japanese actresses ay sina Nae Yuki at Rinko Kikuchi habang ang dalawang Korean actresses naman ay sina Hye-Soo Kim at Yoon-jin Kim.
Si La Aunor ang nakakuha ng overwhelming number of votes at nanguna sa nasabing kategorya na nagmula sa mga movie viewers at online voters mula sa mahigit 100 bansa.
Nagbigay din ang nasabing parangal ng tribute sa tinitingalang Japanese filmmaker na si Akira Kurosawa.
Ang Green Planet Movie Awards ay nagbibigay halaga sa mga Hollywood at Asia’s finest films, actors at filmmakers habang binibigyan din ng halaga ang awareness tungkol sa kalikasan.
* * *
Kung noong kalagitnaan ng dekada ‘70 ay kilalang-kilala ang tinaguriang Apat na Sikat na pinasikat noon ng yumaong star-builder at radio-TV host-comedian na si Ike Lozada, ang mga ito ay binubuo nina Maribel `Lala’ Aunor (first cousin ni Nora Aunor), Arnold Gamboa, Winnie Santos (nakababatang kapatid ng Star for All Seasons at Batangas Gov. Vilma Santos-Recto) at Dondon Nakar.
Sa apat, meron pa kaming direktang contact kay Lala Aunor na isa na ngayong successful businesswoman.
Labingdalawang taong gulang pa lamang noon si Lala nang kanyang pasukin ang showbiz kung saan namamayagpag na noon ang kanyang pinsang si Nora Aunor.
Sa tulong ni Kuya Ike (Lozada), nabuo ang Apat na Sikat.
Naka-loveteam ni Lala si Arnold Gamboa at si Dondon Nakar naman kay Winnie Santos na sa Amerika na naka-base ngayon.
Halos apat na taon ding namayagpag sa showbiz ang apat at pagkatapos ng kanilang era ay isa-isa rin silang nangawala para bigyan-daan ang mga bagong sibol na young talents.
Nang mawala sa showbiz si Lala, ipinagpatuloy niya ang kanyang singing career. Taong 1983 nang siya’y mag-travel sa ibang bansa for a singing engagement tulad ng Singapore, Bahrain at Japan. Nung siya’y nasa Japan, nagkaroon siya ng ideya na mag-put-up ng recruitment business at dito niya sinimulan ang kanilang family business na L.A. Worldwide Manpower Management Services na tumagal din ng 11 taon.
Pagkatapos nito ay kanyang sinimulan ang bagong manpower deployment, ang Marion International Manpower Agency na tumagal din ng 11 taon na kanya namang ibinenta pagkatapos at muli siyang nagbukas ng panibagong recruitment business, ang Golden Legacy Jobmovers na hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagdi-deploy ng mga overseas workers sa Middle East, Canada at Japan.
Dahil sa pagiging successful businesswoman ni Lala, nakapagpatayo ito ng isang condominium building sa Better Living, Parañaque, isang restaurant, beauty salon at iba pang negosyo.
Si Lala ay isang magandang ehemplo at inspirasyon sa mga artista na may magandang buhay at kinabukasan.
* * *
- Latest