Cristine 'di nakalagare
Kung sa hit movie na Ang Darling Kong Aswang ay si Cristine Reyes ang naging love interest ni Vic Sotto, sa TV version nito ay iba na ang kapareha ni Bossing. Siyempre, hindi naman makapaglalagare sa ibang network ang kapatid ni Ara Mina dahil may exclusive contract ito sa Kapamilya network kaya ang Brazilian model na si Daiana Meneses ang gaganap ng role na ginampanan ni Cristine sa MMFF movie. Obviously, hindi bawal sa mga taga-TAPE ang mangapit.
Hindi ito first time ni Bossing Vic sa TV5. May ilang buwan na rin siyang nagho-host ng game show na Who Wants To Be A Millionaire. Mas nauna naman sa kanya si Joey de Leon na nag-host ng Wow Mali at magiging host din ng bagong game show na House or Not. Bahay at lupa ang nakatayang mapanalunan dito.
Isang spin off ng hit movie na Ang Darling Kong Aswang ang sisimulang horror comedy sa TV5 na may pamagat na My Darling Aswang. Si Vic ang star at producer nito. Mapapanood ito tuwing Linggo, 8:30 ng gabi.
Nagkaroon ng trade launch ang TV5 nung Biyernes ng gabi. Dito ibinalita sa lahat ng media, kasama na ang advertising, ang mga bagong programa ng Singko at ang mga artistang lalabas dito. Marami sa mga artistang ipinakilala ay hindi na bago at kung hindi isang Kapamilya ay Kapuso naman.
Tulad ng mga dating Kapamilya na sina Ruffa Gutierrez, Cristy Fermin at Jon Santos na magho-host ng isang showbiz talk show na pinamagatang Paparazzi. Kasama rin nila si Dolly Ann Carvajal sa bagong programa na bagaman at Linggo ipalalabas ay hindi naman itinapat sa The Buzz nina Boy Abunda at Kris Aquino.
Dalawa pa sa pinaka-malalaking palabas ng Kapatid network na siyang magiging palayaw ng TV5 ay ang drama anthology ni Maricel Soriano at ang Pidol’s Wonderland ng hari ng komedi kasama ang mga anak niyang sina Eric, Epi, Vandolph at manugang na si Jenny.
* * *
Hindi plinano ni Gian Sotto, ang nag-iisang anak na lalaki nina Tito at Helen Gamboa na pumasok ng pulitika. Okay na sana ang takbo ng showbiz career niya. Hindi man siya bida, pero maraming character roles ang dumarating sa kanyang kamay - Pieta, Eva Fonda, Margarita at Tayong Dalawa, Ang Darling Kong Aswang - bukod pa sa pagsusulat ng kanta para sa banda niyang Nerveline.
Pero siguro nakatadhana na ito dahil nag-last term na ang kanyang ate bilang konsehal ng Quezon City kung kaya siya ang napisil para ipagpatuloy ang nasimulang legacy ng kanilang ama.
Yes, tumatakbo rin siyang konsehal sa ikatlong distrito ng QC at ang pagpasok niya ng pulitika ay dumating bilang isang obligasyon sa kanya kung kaya nung alukin siyang sumama sa seryeng Habang May Buhay ay tumanggi siya dahil nalaman niyang masasabay sa campaign period ang pagpapalabas nito.
Edad 30 na si Gian at graduate ng entrepreneurial management sa University of Asia and the Pacific.
* * *
Parang ngayon magaganap ang pinaka-magandang episode ng Showbiz Central dahil dalawa sa pinaka-kontrobersiyal na mga artista ay pumayag na maisalang sa show. Una si Ruffa Gutierrez na magsasalita tungkol sa muling pag-aasawa ni Yilmaz Bektas at ang lahat ng may kinalaman sa kanilang dalawa at ang pagkakakuha niya ng custody ng kanilang dalawang anak. Maisingit kaya ng SC ang kinahantungan ng isyu sa kanila ni Kris Aquino at ang paglipat niya ng TV5?
Si Mark Bautista din magsasalita na sa tunay na dahilan kung bakit nasa Kapuso network siya gayung masaya naman siya bilang Kapamilya, sa piling ng kanyang mga kabarkadang sina Piolo Pascual, Christian Bautista, Erik Santos at Sam Milby.
Abangan sila ni Ruffa ngayong hapon at sa kanilang no holds barred interviews.
- Latest