Ayaw magmana sa kanila, Juday at Ryan ayaw maging bansot ang anak
Kakatuwa naman itong mother-to-be na si Judy Ann Santos, maraming gusto para sa kanyang isisilang mga pitong buwan mula ngayon. Sana raw mamana ng kanyang magiging anak ang kanyang mga mata. ‘Di bale na raw na maging bilugan din ang mukha nito tulad niya, pero gusto niyang madala nito ang mga mata niya. Kung puwedeng mahiling, ayaw niyang makuha nito ang kakulangan nila ni Ryan sa height. Sana raw ay maging mas matangkad ito kesa sa kanila.
Pero kapag nahihimasmasan siya at nao-overcome yung sobrang kaligayahan na finally ay ibinigay na ng Diyos ang pinakahihiling nilang mag-asawa, hiling na lamang ni Juday ay maging malusog ang isisilang niya at maisilang niya ito ng maluwalhati.
“Ke mataba siya o payat, maitim man o maputi, sana ay maisilang ko siya ng normal, malusog at mapalaki namin ni Ryan na isang mabuting anak,” say ng star ng Habang May Buhay na wala palang dahilan para iurong ng network ang pagpapalabas nito dahil maganda ito, at mahusay na naiarte ng cast ang kanilang mga roles.
Ayon sa pinaka-huling resulta ng TNS National Ratings, patuloy na nangunguna ito sa rating na 28.5%. Tiyak na hindi mabibigo ang mga masusugid na tagasubaybay ng serye sa mga magkakasunod na pasabog sa buhay ni nurse Jane Alcantara at sa mga taong nakapalibot sa kanya.
Mabuti naman at kuryente lang ang balita na nakunan siya.
* * *
Wala akong masabi sa napakabilis ng pag-asenso ng aking kapatid sa hanapbuhay at isang matagal nang kaibigan at parang kapatid na rin na si Jobert Sucaldito. Bukod sa pagiging isang matagumpay na entertainment writer, TV and radio host at concert producer, isa na rin siyang business entrepreneur having opened his branch of Mang Inasal along West Ave, yung dating lugar ng Chatterbox na dating hangout ng marami ring kapatid sa hanapbuhay.
Kahit hindi ito solo venture ni Jobert at may ka-partner siya in the person of Fely dela Cruz, isang matagal na niyang kaibigan at nagmamay-ari rin ng General People’s Insurance, isang malaking achievement na rin itong matatawag ni Jobert. Biruin mo, nag-traffic ang kahabaan ng West Ave. nung Lunes ng gabi dahil lahat ay curious kung bakit may mga mesang nakaayos sa harap ng Mang Inasal at may isang stage sa kaliwang bahagi ng restaurant. Grand opening pala ng Mang Inasal.
Lalong nabuhol ang traffic nang gumabi na dahil ang blessing ng nasabing kainan na kayang magpakain ng sabay-sabay ng 150 na katao ay nilagyan pa ni Jobert ng isang musical show. Gabi-gabi hanggang Linggo, iba’t ibang mga entertainers ang magtatanghal sa naturang stage bilang opening promo. Mapapanood dun sina Richard Poon, Aegis at marami pang Kapamilya ni Jobert na gustong tulungan siyang mai-promote ang lugar.
Nakita kong marami ang nagninang sa lugar pero kilala ko lang na nag-cut sina Crystal Henares ng Belo Medical Clinic at Phoemela Barranda ng The Buzz.
I’m sure sa Mang Inasal na nila ni Fely dela Cruz gaganapin ang maraming pa-presscon ni Jobert.
* * *
Para namang hindi kapani-paniwala na naglalasing daw si Angel Locsin dahil sa kakulangan ng projects at dahil hindi maganda ang takbo ng kanyang lovelife? Palagi raw itong napagkikita sa mga bars.
‘Yung pagpunta niya sa mga bars ay baka may kinalaman sa bagong negosyo na bubuksan niya. Baka naman pinag-aaralan lamang niyang mabuti kung paano magpatakbo nito. At siyempre may pumupunta ba sa mga bars na hindi umiinom? Pero hindi sapat ito para tawagin siyang lasengga.
‘Yung kakulangan niya ng projects ay hindi dahilan sa walang offer kundi siya ang umaayaw. Baka dumating na siya sa punto na ang mga gustong projects na lamang niya ang gagawin niya. At mga substantial projects ang hinahanap niya, yung kahit kokonti ay worth it naman. Ever since naman, hindi quantity kundi quality ang primary consideration niya sa pagtanggap ng trabaho.
- Latest