Heart problemado sa career!
MANILA, Philippines - Naniniguro ang GMA 7. Lahat ng mga artista nila, pinapipirma na ng kontrata. At hindi na basta dalawang taon na lang, tatlong taong exclusive contract ang pinipirmahan ng mga artista nila.
Na-insecure ba sila sa TV5 na agresibo ngayon sa pagkuha ng mga artista? Hindi ang sagot ni Mr. Felipe Gozon, presidente at CEO ng GMA 7. Bago pa man daw naging active ang TV5 ni Mr. Manny Pangilinan ay pinapa-review na nila ang mga kontrata ng mga artista nila at nagulat nga raw siyang dalawang taon lang pala ang kontrata ng mga Kapuso stars. Aminado rin silang conscious sila sa pagiging aktibo at agresibo ng TV5.
Ini-relate ni Mr. Gozon na noong nagta-trabaho pa siya sa isang airline company, nang magsimulang mag-operate ang ibang airline, sa PAL lang sila kumukuha ng mga empleyado. “Ngayon, sa ABS-CBN at GMA 7 lang kukuha ang TV5,” sagot ni Mr. Gozon tungkol sa nangyayaring lipatan ngayon ng mga artista.
Kahapon, sunod-sunod ang contract signing sa Kapuso Network. Nauna ang grupo ng mga artistang mina-manage ni tita Annabelle Rama, sunod si Mark Bautista at ang grupo ng Starstruck.
Nauna sa pila ng contract signing ang mga alaga ng nanay ni Ruffa Gutierrez - sina Ynna Asistio, Ehra Madrigal, Bubbles Paraiso, TJ Trinidad, at Raymond Gutierrez.
Wala si Heart Evangelista dahil nasa Hong Kong daw ito. Pero mukhang may problema dahil kahit sa kanyang Twitter account may emote si Heart : Is stressed! Keeping my fingers crossed:/ just want everyone to be okay:).”
Puwede na sanang mag-renew ng kontrata si Heart kahapon, pero parang nag-iisip pa raw ang aktres.
Ang duda ng iba, gusto na nitong mag-lay low sa career dahil busy ito sa boyfriend nitong galing sa angkan ng mayaman sa Isabela, si Ian Dy. Hindi raw kaya gusto na nitong mag-asawa?
Mai-expire ang contract ni Heart sa GMA sa May pero hindi naman daw ito puwedeng lumipat sa TV5 dahil may kontrata ito sa manager niyang si Tita Annabelle ng isang taon pa.
Tungkol naman kay JC de Vera, nasa TV5 na nga siya. Mismong ang nanay daw nito ang nag-desisyon na sa pag-aaring channel na lang ni Mr. Pangilinan ito magpatuloy ng trabaho at wala itong nagawa. Pero isang buwan daw itong nag-iiyak dahil ayaw daw nitong lumayas ng GMA 7. Pero testigo siya sa kaso nina Ms. Wilma Galvante at ng kanyang manager kaya mas maiging nasa TV5 na raw ito.
* * *
Sunod sa pila ang contract signing si Mark. Nauna na raw sanang pipirma ito sa TV5, may verbal agreement na. Pero last minute ay nahabol si Mark ng Kapuso kaya kahapon ay nagkapirmahan na rin sila ng kontrata.
Kasama niyang dumating sa GMA ang manager niyang si Ms. Veronique del Rosario.
Medyo kinakabahan si Mark. Pero nai-excite siya dahil magkakaroon siya ng maraming kaibigan sa kanyang bagong tahanan.
Kasama siya sa ilulunsad na Party Pilipinas na sekreto muna ang konsepto sabi ni Mr. Jimmy Duavit. Pero something fresh and entertaining daw ang nasabing programa.
* * *
Kasama naman sa maraming talent na pumirma rin kahapon sa GMA 7 ang Final 14 ng katatapos lamang ng StarStruck V na alaga ng GMA Artist Center, ang talent development at management arm ng GMA Network.
Limang taon ang exclusive contracts na pinirmahan ng Final 14 kahapon.
Kasama sa grupo ang beauty-queen in-the-making na si Fianca Cruz, ang commercial model na si Ian Batherson, ang Japinay cutie na si Nina Kodaka, ang singer-songwriter na si Pierro Vergara, ang matapang na si Princess Snell, ang intellectual na si Rox Montealegre, ang crowd-pleaser na si Rye Burgos, si Sef Cadayona na dumaan na sa dance training ng Philippine All Stars, at ang Bahrain-beauty na si Zeryl Lim, na mga Avengers.
Sa tulong ng GMA Artist Center, ang mga Avengers na ito ay sasanayin kung saan nila naipakitang malakas sila sa kumpetisyon ng StarStruck, at sa mga naipakita nilang potensyal sa iba pang mga larangan ng entertainment.
Bibigyan ng mas malaking importansiya, siyempre, ang Final V Survivors : ang total performers na sina Rocco Nacino, Diva Montelaba, Enzo Pineda, at ang Ultimate Title Holders na sina Sarah Lahbati at Steven Silva.
By the way, kasama sa mga unang trabaho ng Final V ay ang paglibot sa bansa, kung saan magkakaroon sila ng shows sa Davao (March 14), sa Bacolod (March 20), sa Cebu (April 10), sa Dagupan (April 17), sa Iloilo (May 15) at sa Lucena (May 28).
Ang Ultimate Female Survivor na si Sarah Lahbati ay magkakaroon na rin ng sarili niyang mall shows sa Robinson’s Place Dasmariñas (March 12) at sa Robinson’s Place Imus (March 13); samantalang ang Ultimate Male Survivor na si Steven Silva ay kabilang sa mga Kapuso stars na dadalhin ng GMA PinoyTV sa San Francisco.
Makakasama na rin sila sa iba’t ibang programa ng GMA. (SALVE ASIS)
- Latest