Tumatakbong bise presidente isa-isang ipakikilala
MANILA, Philippines - Matapos ang matagumpay na presidential interview, ihahatid naman ngayon ng flagship AM radio station ng GMA Network na DZBB ang Ikaw Na Ba?...The Vice Presidential Interview simula Miyerkules, Marso 10.
Mapapakinggan ang espesyal na programa hanggang Marso 19 ng 8-9 a.m. sa Super Radyo DZBB 594Khz, 97.1 Barangay LS-FM, at sa lahat ng RGMA AM at FM stations nationwide.
Ang natatanging radio program, na bahagi ng komprehensibong election coverage ng GMA Network na pinamagatang, Eleksyon 2010, ay magtatampok ng mga one-on-one interviews sa mga vice presidential candidate na isasagawa ng multi-awarded broadcast journalist na si Mike Enriquez.
Bitbit ang line up ng mga in-your-face question, nilalayong tulungan ng broadcaster ang publiko na kilatisin ang mga kandidato para sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Bibigyan ng panibagong venue ng Ikaw Na Ba?...The Vice Presidential Interview ang mga botante para makilala kung sino sa mga kandidato ang maaaring maging kapareha ng susunod na pangulo.
Sisimulan ang serye ng interview kasama si Nacionalista Party bet Sen. Loren Legarda. Si Bangon Pilipinas candidate Perfecto Yasay ang makakapanayam sa Huwebes, Marso 11, at si Makati Mayor Jejomar Binay ang mapapakinggan sa Biyernes, Marso 12.
Si Jay Sonza ng Kilusan ng Bagong Lipunan ang panauhin sa Lunes, Marso 15; samantalang si dating MMDA Chair Bayani Fernando ang sasalang sa Martes, Marso 16. Ang kandidato ng Kapatiran na si Atty. Dominador Chipeco naman ang maririnig sa Miyerkules, Marso 17; samantalang ang pambato ng administrasyon na si Eduardo Manzano ang kikilatisin sa Huwebes, Marso 18. Si Liberal Party vice presidential bet Sen. Mar Roxas ang makakapanayam sa Biyernes, Marso 19.
Ang Ikaw Na Ba?...The Vice Presidential Interview ay mapapakinggan din sa Internet sa pamamagitan ng DZBB livestream sa GMANews.tv. Ang podcast version ng mga panayam ay maaari ring i-download mula sa site. Ang Commission on Elections (COMELEC) ay major partner ng GMA radio sa proyektong ito.
- Latest