Binibining Pilipinas magkakaalaman ngayong gabi
MANILA, Philippines - Ngayong Sabado ng gabi, March 6, mapapanood via delayed telecast ang pinaka-aabangang Binibining Pilipinas 2010 Grand Coronation Night sa GMA Network.
Dalawampu’t apat na naggagandahang dilag mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas ang magtatagisan ng talino’t ganda para maging kinatawan ng bansa sa Ms. Universe, Ms. World, at Ms. International beauty pageant sa isang engrandeng pagtatanghal na gaganapin sa Aranera Coliseum.
Upang maging mas espesyal ang gabi, haharanahin ni Arnel Pineda, lead singer ng grupong Journey, ang mga kandidata na kabilang sa Top 10.
Magtatanghal naman ng isang production number ang GMA 7 heartthrobs na sina Daniel Matsunaga, Victor Aliwalas, at Jayce Flores kasama ang mga reigning Bb. Pilipinas winners na sina Bb. Pilipinas-International Melody Gersbach, Bb. Pilipinas-Universe Pamela Bianca Manalo, at Bb. Pilipinas-World Marie Ann Umali. Samantala, ang mahusay na Pundakit Kids, isang grupo ng mga batang violinists na protégé ng world-renowned violinist na si Coke Bolipata, ang tutugtog sa long gown competition.
Magsisilbing hosts ng coronation night sina Ultimate Leading Man at E! Online’s Third Sexiest Man Alive for 2008 Dingdong Dantes at TV actress-host at commercial model Carla Abellana.
Kamakailan ay ginanap ang pre-pageant night ng Bb. Pilipinas 2010 at inanunsyo ang mga nagwagi ng unang batch ng special awards. Nanalo bilang Best in Philippine Terno ang Candidate No. 10 na si Maria Venus Raj; Best in Talent ang candidate No. 11 na si Krissa Arrieta Kleiner; nag-tie naman bilang Ms. Friendship sina Candidate No. 10 Maria Venus Raj at Candidate No. 19 Kate Princess Alimurong.
Kokoronahan na ang mga susunod na beauty queens ng bansa ngayong March 6 na mapapanood pagkatapos ng Imbestigador sa GMA 7.
* * *
Mapapanood na ng lahat sa Tropang Potchi ang unang presentation ng Kapotchi Playhouse ngayong Sabado (Marso 6) at ang aktres na si Angelika dela Cruz ang tatayong Kapotchi Ate at mangunguna sa narration ng Ang Tatlong Munting Biik.
Pinaghalong variety, talent, at game show para sa mga bata, bibida rin sa Tropang Potchi ang mga batang may special skills sa pagtugtog ng banduria, sa streetboarding, at bike tricks. Ipapakilala sila nina Kapotchi Ella Cruz, Julian Trono, Miggy Jimenez, at Jessu Trinidad. Kakanta rin si Angelika kasama si Kapotchi Ayla Mendero.
Mapapanood ang Tropang Potchi tuwing Sabado ng umaga, 11:30 a.m., sa ilalim ng direksiyon ng award-winning TV director na si Louie Ignacio, sa Q Channel 11.
* * *
Tuloy ang paghahatid ng napapanahong impormasyon at serbisyong pangkalusugan ng Salamat Dok tuwing Sabado at Linggo kasama ang bago nitong anchor na si Bernadette Sembrano.
Ang kilalang mukha ng public service ng ABS-CBN ay haharap na naman sa isang panibagong hamon sa pangunguna sa naturang award-winning public service program na nagbibigay din ng karagdagang kaalaman kung paano malulunasan o mapipigilan ang iba’t ibang sakit sa tulong ng mga panauhing eksperto.
“I’m very happy and at the same time challenged sa bagong programang ito. Masaya ako na makakatulong na naman ako sa mga kapwa sa pamamagitan ng medical activities ng programa at makapagbabahagi rin ng kaalaman sa kalusugan na isang suliraning dapat pagtuunan ng pansin ng publiko,” sabi ni Bernadette.
- Latest