Superstar nasobrahan ng shopping sa Japan
Alam mo, Salve A., marami ang nagtanong sa akin kung ako na raw ba ang bagong manager ng magbabalik-showbiz na superstar na si Nora Aunor dahil ako ang nakita nilang kasa-kasama nito sa Tokyo, Japan nang siya’y sumailalim ng beauty enhancement sa Shinagawa Beauty Center.
Para ma-clear ang issue, hindi ako ang manager ni Guy (Nora) kundi ang Master Showman na si German Moreno na matalik na kaibigan ng superstar.
Ako lamang marahil ang nagbigay-daan para sa kanyang muling pagbabalik nang siya’y aking irekomenda at ipaglaban na kuning celebrity endorser ng bubuksang Japanese eye laser at aestheric center sa Pilipinas, ang Shinagawa Lasik and Aesthetic Center (Philippines) na inaasahang magbubukas sa susunod na buwan.
Ito’y joint venture ng dalawang malalaking kumpanya sa Japan, ang IPS at Shinagawa Clinic Group of Companies.
Liban sa aking Japanese boss at ilang tao (including good friend Albert Sunga), walang nakaalam kung ano ang aking pakay sa daglian kong paglipad patunong Los Angeles, California kamakailan.
Mayroon akong ‘secret mission’.
Sa tulong ni Albert Sunga, nakuha ko ang landline number at cell phone number ni Guy sa L.A.
Inalam namin ang kanyang status sa Amerika. Meron kasing mga naglabasang balita na kesyo hindi na siya makakabalik ng Amerika kapag siya’y umalis patungong ibang bansa.
Siya mismo ang nagsabi sa amin na wala siyang problema at agad nitong ipinakita sa amin ang kanyang greencard. At that time, expired na ang kanyang passport. Pero agad niya ring inayos.
First travel ni Guy outside the U.S. ang pagtungo ng Japan kaya ganoon na lamang ang kanyang excitement. Mag-isa rin siyang bumiyahe.
Isang touching moment ang aming nasaksihan nang magkita ang mag-inang Guy at Ian na kasama kong bumiyahe na hindi nagkita sa loob ng ilang taon nang dumating ang superstar sa Japan.
Kakaiba rin ang aura ni Guy. Kitang-kita ang excitement sa kanyang mukha lalupa’t unang biyahe niya ito in five years sa labas ng Amerika.
Originally, si Lotlot (de Leon) ang gustong makasama ni Guy sa Japan pero hindi ito makaalis dahil sa kanyang bagong TV series sa GMA 7 kaya napagkasunduan namin na si Ian na ang papuntahin.
Sa kabila ng sobrang lamig, enjoy si Guy sa klima at wala itong pakialam sa kasa-shopping lalo na nang kami’y lumipat ng hotel mula sa Prince Hotel, Shinagawa hanggang sa Villa Fontaine, Ueno na walking distance lamang ang shopping center.
Malayang nakapag-shopping si Guy sa Japan although paminsan-minsan ay may mga kababayan natin siyang nakakasalubong at hindi makapaniwalang kaharap nila ang superstar na balitang-balita rin sa Japan ang pagdating doon sa pamamagitan ng TFC ng ABS-CBN at GMA Pinoy TV ng GMA 7.
Bago bumalik ng LA si Guy nung Feb. 28, nakapag-pictorial ito last Feb. 27 for publicity at short TV interview na siyang napanood sa iba’t ibang programa ng ABS-CBN at GMA 7.
By this time ay nasa Canada na si Guy para sa kanyang four-city concert tour sa buong buwan ng Marso. Sa buwan naman ng Abril ay nakatakda siyang bumalik ng Pilipinas para tuparin ang kanyang pagiging celebrity endorser ng Shinagawa Lasik and Aesthetic Center (Philippines) sa pamamagitan ng pictorial, TVC shoot, ribbon-cutting sa pagbubukas ng clinic, press conference, at iba pang mga commitments na naghihintay sa kanyang muling pagiging aktibo sa showbiz.
o0o
- Latest