TV Patrol World nanguna sa 2009 TV ratings
MANILA, Philippines - ABS-CBN ang pinagkakatiwalaan ng mas nakararaming mga Pilipino para ihatid sa kanila ang napapanahong mga balita at makabuluhang mga istorya mula umaga hanggang gabi.
Nanguna ang TV Patrol World sa listahan ng pinaka-pinapanood na news and current affairs programs sa buong bansa noong 2009. Base sa datos ng global research firm na Taylor Nelson Sofres (TNS), ang award-winning flagship primetime newscast ng ABS-CBN ay nakapagtala ng average rating na 43.1 percent.
Patuloy na inuungusan ng TV Patrol World ang kumpetisyon at tumaas pa ang lamang nito ng hanggang 12.9 percentage points noong January 2010 sa household ratings na 35.5 percent laban sa 22.6 percent ng GMA. Hindi rin nagpapatalo at humahataw din sa ratings ang weekend editions ng naturang newscast.
Mababatid din sa datos ng TNS na ABS-CBN din ang pinakatinututukan ng mga Pilipino pagdating sa late night at early morning news. Namamayagpag ang Bandila, ang pinakaunang Philippine news program na na-nominate sa Emmy’s, sa late night block sa average rating na 7.7 percent, habang nangunguna naman ang Umagang Kay Ganda sa umaga sa ratings na 6.5 percent.
Hindi pa nagpaawat diyan ang Kapamilya Network dahil pati sa current affairs program ay nilamon nito ang mga kalaban. Ang popular na crime investigation program ni Gus Abelgas na S.O.C.O. (Scene of the Crime Operatives) ang nanguna sa listahan at nakatamo ng 8.6 percent.
Tuwing Lunes naman, patok ang investigative program na XXX (Exklusibong Explosibong Expose) sa rating na 5.1 percent habang rumaratsada naman ang documentary program na The Correspondents tuwing Martes sa rating na 4.8.
Tinalo naman ng Probe Profiles (4.4 percent) ni Che-Che Lazaro ang Born to be wild (3.4 percent) tuwing Miyerkules habang tinaob ng I Survived ni Ces Oreña (5.2 percent).
Nagpatuloy pa ang pamamayagpag ng ABS-CBN current affairs show pati sa weekends. Dalawa sa umaariba tuwing Sabado at Linggo ay ang multi-awarded educational program ni Kim Atienza na Matanglawin (12 percent) at ang groundbreaking magazine show ni Ted Failon na Failon Ngayon (22.8 percent).
Humataw din ang ABS-CBN noong 2009. Pinaka-nagmarka at nanguna ang world-class funeral coverage para sa yumaong dating presidente Cory Aquino na Salamat President Cory: A People’s Farewell na nagtala ng 35.7 percent.
Ang pagsasahimpapawid ng ABS-CBN ng huling state of the nation address ni Pangulong Arroyo ay mas tinangkilik din ng sambayanang Pilipino nang pumalo ito ng 18.1 percent.
Sa 20 top-rating news specials ng 2009, 16 ay mula sa ABS-CBN kabilang na ang calamity management special ng Matanglawin na pinamagatang Delubyo, Salubong sa Bagong Simula: Countdown to 2010, Sagip Kapamilya: Bagyong Ondoy at Kahapon, Ngayon, at Bukas: The Mar-Korina Wedding Special.
Ang TNS ang nangungunang market research group sa buong mundo na naghahatid ng audience research measurement systems sa 32 bansa.
- Latest