Kahit 'di umasang mananalo... Steven Silva naging Ultimate Male Survivor
Mama Salve, believe it or not, halos siyam na oras ako sa Araneta Coliseum noong Linggo para sa Final Judgment ng Starstruck V.
Siyam na oras dahil 2:00 p.m. nang dumating ako at dumiretso sa dressing room ni Iza Calzado. Hindi na ako lumabas ng Araneta Coliseum dahil hinintay ko ang pagsisimula ng show na eksaktong 7:31 p.m. nang mag-umpisa.
Overwhelming ang presence ng mga nagtitiliang fans sa loob ng Big Dome. Mahirap matantiya kung sino sa Final V ang may pinakamaraming fans pero pinakamaingay ang mga fans nina Rocco Nacino at Enzo Pineda. Ang feeling ko nga, silang dalawa lang ang naglalaban para sa title ng Ultimate Male Survivor. Ang ending? Si Steven Silva na hindi umaasa na mananalo ang nag-win!
* * *
Nag-enjoy ako sa mga production numbers ng Starstruck V at ng mga past contestants kaya hindi ako nakaramdam ng boredom.
Halos kumpleto ang mga winners ng mga nakaraang Starstruck, maliban siyempre kay Marky Cielo na nasa kabilang buhay na.
Nakita ko sa Final Judgment Night ang mga Starstruck winners na bihira kong makita. Na-sight ko sina Jewel Mische at Mike Tan. Gandang-ganda ako kay Jewel, lalo na sa production number nila nina Kris Bernal, Jennylyn Mercado, Ryza Cenon, Sarah Lahbati, at Diva Montelaba.
Mga higanteng babae sina Diva at Sarah kaya lalong lumiit sa malawak na stage ng Araneta Coliseum ang mga kasama nila sa production number.
* * *
Sinabi ko na hindi umaasa si Steven na mananalo dahil ang feeling niya, isa kina Enzo at Rocco ang winner.
Surprise winner si Steven pero satisfied ang mga tao sa resulta. Palaisipan sa staff ng Starstruck ang mataas na text votes na nakuha ni Steven. Palaisipan dahil hindi lang sa isang lugar nanggaling ang mga boto.
Maraming boto si Steven mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at Amerika. Uso pa rin ang mga Korean actor kaya ang duda ko, ibinoto si Steven dahil papasa siya na Koreano. Malay natin, baka bumoto para kay Steven ang sangkatutak na Koreano na nag-migrate sa Pilipinas.
* * *
Pinanood ni Annabelle Rama ang Starstruck. Kasama ni Bisaya ang kanyang apo na si Venice Bektas na Ingleserang-Inglesera.
“I don’t know” ang sagot sa akin ni Venice nang magtanong ako kung nasaan ang kanyang kapatid na si Lorin.
Nanood sina Bisaya at Venice bilang suporta kay Raymond Gutierrez na isa sa mga limang host ng Starstruck V.
Sa totoo lang, hindi ko agad nakilala si Nancy Castiglione nang magkita kami dahil malaki na ang ipinagbago ng kanyang face. Na-miss ko tuloy ang dating mukha ni Nancy na isa sa mga original co-host ng Starstruck.
* * *
Naaliw ako sa opening number ng Final Judgment ng Starstruck dahil first time kong nakita na kumakanta si Raymond, kasama ang kanyang mga co-hosts.
Kung hindi ako nagkakamali, tumagal ng 16 minutes ang mahaba pero nakakaaliw na opening number ng show.
Nag-worry ako sa performance ni Enzo dahil hindi ito masyadong impressive. Nagpakitang-gilas naman si Steven dahil itinodo niya ang pagkanta at pagsayaw. Nagnakaw ng eksena si Rocco dahil pinunit niya ang kanyang damit sa ending ng kanyang song and dance number. Nagtilian ang fans ni Rocco at ang mga baklita pero nang tawagin ang name ni Rocco bilang 2nd Prince, wah na sila react!
- Latest