Celebrity Duets nasira kay BF
Naku ha, hindi memorized ni Papa Bayani Fernando ang lyrics ng kanta nila ni Papa Dick Gordon nang mangampanya sila sa Cavite noong Martes.
Ako ang nanliit habang pinapanood ko si Papa Bayani na hinuhulaan ang lyrics ng kanta nila ng kanyang running-mate.
Kinulang yata sa ensayo si BF kaya parang nabalewala ang pagiging champion niya sa Season 2 ng Celebrity Duets.
Mabuti pa si Papa Manny Villar, memoryado ang kanta na inawit niya sa campaign rally ng Nacionalista Party sa Laguna. Narinig ko na ang version ni Sarah Geronimo ng Naging Mahirap. Gusto ko naman marinig si Papa Manny na kinakanta ang kanyang sikat na sikat na campaign jingle!
* * *
Kaliwa’t kanan ang Valentine’s show dahil malapit na ang Valentine’s Day na sinabayan ng Chinese New Year.
Pumapatak sa araw ng Linggo ang Valentine’s Day at Chinese New Year pero nai-imagine ko na ang trapik sa mga commercial center dahil sa mga nagbabalak na makipag-date.
Matagal na akong walang ka-Valentino pero lalabas ako ng bahay sa Linggo para sa live telecast ng StarStruck. Last Sunday na ng StarStruck dahil goodbye TV na ito sa February 21.
Kinakabahan na naman ang remaining contestants ng StarStruck dahil isa sa kanila ang siguradung-sigurado na magpapaalam, sa ayaw at sa gusto nila.
* * *
Naging ugali na talaga ni David Pomeranz na pumunta sa Pilipinas at mag-concert tuwing Araw ng mga Puso.
Nandito uli si David para sa concert nila ni Zsa Zsa Padilla. Naging ordinary citizen na si David sa Pilipinas dahil sa madalas na pagpunta niya sa ating bayang magiliw. In fairness, marami pa rin ang nanonood ng kanyang mga show dahil likas ang pagiging hopeless romantic ng ating mga kababayan.
* * *
May mga nagtatanong sa akin kung saan ba raw ang studio ng Diz Iz It dahil type nila na manood.
Sa mga gustong bumisita sa studio ng Diz Iz It, huwag kayong pupunta sa Broadway Centrum dahil hindi ito ang “bahay” ng bagong talent/game show ng Kapuso network.
Nasa Cinema 3 ng SM Megamall ang studio ng Diz Iz It. Pansamantalang nirentahan ng TAPE Inc. ang Cinema 3 habang under construction ang Broadway Centrum studio.
Madaling puntahan ang SM Megamall. Ewan ko lang kung paano makakapasok sa Cinema 3 ang mga gustong manood. Ask ko muna si Mama Malou Fagar, ang big boss ng TAPE Inc.
May mga nagtatanong din kung sino ang composer ng masayang jingle ng Diz Iz It? May iba pa ba? Eh di si Papa Joey de Leon!
- Latest