Kantahan at pagmamahalan sa Life and Style
MANILA, Philippines - Isa sa pinakamasarap na yatang pag-usapan ay tungkol sa pag-ibig. Kaya naman, isa rin sa mga inaabangan ng mag-irog ay ang Valentine’s Day na ipinagdiriwang tuwing Febrero 14.
Sa Life and Style with Gandang Ricky Reyes ngayong Linggo alas-diyes hanggang alas-onse nang umaga sa QTV-11 ay may pre-Valentine na pagtatanghal kaya mga sikat sa usapang love ang panauhin.
Makakatsikahan ni Mader Ricky Reyes ang mag-asawang Gian Magdangal at Sheree na magsasalaysay ng kanilang makulay na pag-iibigan. Ikukuwento naman nina Mr. Fu ng Energie-FM, Mr. Cariñoso ng DZBB at Rica Hera ng Love Radio ang mga problema ng puso ng kani-kanilang mga tagapakinig pati na ang mga payong ibinigay nila sa mga ito.
Aawitin ng Princess of Tagalized Songs na si Ms. Ganda ang tatlong most requested love songs ayon na rin sa listahan ng tatlong nabanggit na radio deejay.
Ipapakilala rin ang nagwagi sa Love E-Mail contest na ang premyo’y free vacation sa Golden Sunset Resort sa Calatagan, Batangas.
- Latest