Eliza at Sofia magkakaayos pa ba?
MANILA, Philippines - Sa loob ng mahigit apat na buwan, tinutukan ng lahat ang bawat pagsubok na hinarap ni Eliza, ang role na ginampanan ni Jennylyn Mercado sa Ikaw Sana. Sa nalalapit nitong pagtatapos ngayong Biyernes, tanong ng bayan kung magtatagumpay ba si Eliza na makamit ang matagal nang dapat ay sa kanya?
Sa wakas ay nagkabalikan na sina Michael (Mark Herras) at Eliza (Jennylyn) matapos umamin si Giselle (Camille Prats) na hindi totoong nagkaroon sila ng relasyon ni Michael. Samantala, nagising na si Amada mula sa coma nito at aaminin na niya na si Loreta (Maritoni Fernandez) ang nasa likod ng pagkaka-aksidente niya.
Si Enrico (Zoren Legaspi) naman ay gagawa ng hakbang para patahimikin si Loreta. Babarilin niya si Loreta subalit ang hindi niya alam ay nasa likod lang pala niya si Eliza. Magtatangka rin siyang barilin si Eliza ngunit tutulungan siyang makaligtas mismo ni Loreta! Sa tulong niya, makakatakas si Eliza at tatawag ng pulis. Subalit sa pagmamadali nito ay maaaksidente siya.
Madaratnan naman ni Sofia (Pauleen Luna) na nakahandusay ang kanyang ina. Sasabihin ni Enrico na si Eliza ang may gawa ng krimen sa ina niya kaya dali-daling umalis si Sofia para balikan si Eliza.
Saan dadalhin ng galit niya si Sofia? May pag-asa pa kayang mabalik sa dati ang magandang samahan ng magkapatid na sina Eliza at Sofia? Patuloy na nga bang mauwi sa tahimik ang pagsasama nina Eliza at Michael?
Ang sagot sa mga katanungang ito ay malalaman na ngayong huling dalawang araw ng Ikaw Sana na mapapanood bago mag-24 Oras sa GMA Telebabad.
- Latest