Ramboy at Jayda magpapakitang gilas
MANILA, Philippines - Bigyang daan si Ramboy Revilla at Jayda Avanzado, ang mga bibong junior detective ng Kap’s Amazing Stories (KAS), Kids Edition simula bukas, Linggo.
Si Ramboy ang bunsong anak ni Sen. Bong Revilla at Lani Mercado; at si Jayda naman ang anak ni Jessa Zaragosa at Dindong Avanzado. Bukod sa star-quality na tulad sa kanilang mga magulang, meron silang napakakyut at hindi-mapipigilang mga pananaw, na siyang magbibigay nang bagong kahulugan sa infotainment.
Bilang mga junior agent, hihingan ni Ramboy at Jayda ng tulong ang isang Top Kapuso Star linggo-linggo. Sa kanilang unang adventure, masuwerteng makakasama nila ang kanilang Kuya Ogie Alcacid. Kayanin kaya ni Ogie ang mga walang katapusang tanong ng mga bata?
At para sa kauna-unahang palabas, buong galak na hinahatid ng KAS ang Wild Detectives. Bilang isa sa prime specials ng National Geographic Channel at kinikilalang Parent’s Choice, sasagutin nito ang pinakamahirap na tanong ng mga bata tungkol sa mga penguin (bakit sila sumisisid sa kalaliman ng Pacific Ocean gayung ang paboritong pagkain nila ay nasa ibabaw?), leon (anong ginagawa nito sa loob ng tirahan kapag walang nakatingin?), balyena (paano nasasalin ng mga sayantipiko ang kanilang lenggwahe?), at marami pang iba.
Gamit ang napakamahal at espesyal na gadget na kung tawagin ay crittercam, dadalhin ang mga manonood sa mga lugar na hindi pa nila nakikita. Ang mga misteryo sa buhay ng hayop na sa tingin ng marami ay hindi na masasagot ay buong siglang isisiwalat.
Handa na ang mga bagets sa Linggo, pagkatapos ng Showbiz Central sa GMA 7.
- Latest