Aktres mukhang zombie sa kapayatan!
Nagpunta ako sa The Lounge noong Biyernes ng gabi dahil nag-bakasakali ako na mainterbyu si Dr. Hayden Kho, Jr. tungkol sa break-up nila ni Dr. Victoria Belo.
Isa si Hayden sa mga may-ari ng The Lounge pero hindi siya umapir noong Biyernes. Ang sabi ng isang napagtanungan ko, hindi na nagagawi doon ang doktor. Nang sabihin ko na baka nasa pinyahan si Hayden, sumagot ang aking kausap na i-try ko na hanapin siya sa mga sagingan!
Naloka ako sa sagot ng kausap ko. Nagbibiro ba siya o hindi niya type si Hayden na missing in action at nakipagkasundo kay Mama Vicki na magkikita lang sila sa kanyang birthday sa May 20.
Yes! Ka-birthday ko si Hayden pero sigurado ako na wala akong sex video, noon, ngayon, bukas, at magpakailanman.
* * *
Hindi na kami nag-abot ni Christopher de Leon sa birthday dinner noong Sabado ng kanyang misis na si Sandy Andolong.
As usual, maaga akong dumating at maagang umalis sa venue ng birthday dinner para kay Sandy.
Nanghingi kaagad ako sa waiter ng mga pagkain na hindi pa nakalagay sa buffet table. Naloka ako sa masarap na lumpia kaya nag-take home ako. Sa sobrang sarap ng lumpia, kumain pa ako nito nang makauwi ako sa bahay.
Lutong-bahay ang lumpia kaya hindi ito mabibili sa ibang restaurant. Exclusive ’yon sa Wine Museum, ang bar-restaurant business ni Ronnie Joseph, ang loving husband ni Melissa de Leon. Si Ronnie ang nagkuwento sa akin na chef ng kanyang restaurant si Johnny Midnight. May toning water kaya ang mga pagkain sa Wine Museum kaya sobrang sasarap nito?
* * *
Na-touch ako isang pamilya mula sa Tondo na pinagkalooban ni Senator Manny Villar ng house and lot.
Cry si misis at ang kanyang bagets na anak na may rare disease sa dugo. Hindi nila inaasahan na sila ang pamilya na mapipili na bibigyan ng libreng bahay at lupa ni Papa Manny.
Walang halong pulitika ang ginawa ni Papa Manny. Lumaki siya sa Moriones, Tondo at nakipista kahapon sa kanyang mga kababayan doon.
Dahil nakaluluwag sa buhay, minarapat ni Papa Manny na i-share ang maraming grasya na natanggap niya mula kay Lord.
Nakakaiyak ang eksena dahil habang ipinagkakaloob ni Papa Manny ang susi ng bahay, pinatugtog ang Naging Mahirap, ang kanta na sikat na sikat at paboritong awitin ng mga bagets.
Actually, bata at matanda ang nakikisabay sa magandang kanta ng TV ad ni Papa Manny.
* * *
Paborito ng PSN reader na si Marivie Pillarina ang aking alaga na si Alfred Vargas. Nakatira si Marivie sa Nueva Ecija pero kung nagkataon na taga-Quezon City siya, tiyak ko na susuportahan niya ang kandidatura ni Alfred na kumakandidatong konsehal sa District 2.
Si Marivie ang nagsabi sa akin na mukhang zombie sa TV ang young actress na si B. Sumobra aniya ang kapayatan ni B kaya hindi ito pleasant na panoorin sa TV.
* * *
Anim ang konsehal na kailangan sa District 2 ng Quezon City pero 47 ang kandidato. Matindi ang labanan ng mga konsehal sa District 2 dahil magkakatunggali sina Alfred, Ara Mina, Roderick Paulate, Glenda Garcia, Precious Hipolito, at Dan Alvaro.
Matira ang matibay dahil anim nga lang ang kailangan sa 47 candidates! Hindi ko pa napagdedesisyunan ang mga iboboto ko sa pagka-konsehal dahil matagal pa ang eleksiyon pero sure na ako kay Joy Belmonte bilang vice mayor ko. Siya at tanging siya ang aking iboboto. Huwag nang umasa ang ibang mga kandidato na magbabago ang aking isip. Mga kandidato na nakakaalaala lang tuwing sumasapit ang eleksiyon!
- Latest