Ate Guy naloko na naman ng promoter sa Canada
Gandang-ganda kami kay Katrina Halili nang ito’y aming makita sa dressing room ng Showbiz Central nung nakaraang Linggo ng hapon. Bukod sa ganda, na-maintain nito ang kanyang pagiging super-sexy.
Taong 2010 na at mukhang hindi pa rin gaanong nakakapag-move on si Katrina sa kanyang kinasangkutang kontrobersiya nung isang taon na may kinalaman sa sex video scandal nila ni Hayden Kho.
Kung kami kay Katrina, hahayaan na lang namin na tuluyang gumulong ang hustisya sa kasong kanyang isinampa laban sa BF ni Dra. Vicki Belo para tuluyan na siyang makapag-move on sa kanyang buhay at sa kanyang career at simulan ang taong 2010 nang tama at magaan ang pakiramdam. After all, natanggalan na ng lisensiya sa kanyang pagka-doctor si Hayden na kung tutuusin ay isang napakatinding parusa na kesa pagkakakulong dahil ito ang kanyang propesyon at halos sampung taon ang kanyang binuno at ginugol para lamang maging isa siyang ganap na doktor.
* * *
Hindi na talaga natuto si Rosanna Roces. Maraming beses na siyang binigyan ng chance na makabalik pero siya na rin mismo ang sumisira. Nang dahil sa ginawa ni Osang (palayaw ni Rosanna) sa Showtime program ng ABS-CBN, idinamay niya ang mga taong wala namang kasalanan. Sa ginawa niyang pagmumura at panglalait bilang isa sa mga hurado, nadamay ang mga contestants ng programa na nagpapakitang gilas ng kanilang husay sa pagsayaw, at makapagbigay ng aliw sa mga manonood.
* * *
Ano kaya ang chance na manalo ang mga personalidad na magmumula sa showbiz sa darating na halalan?
Sa tuwing sumasapit ang election time, hindi na talaga mawawala sa line-up ng mga kandidato ang nagmumula sa showbiz.
Abangan natin kung sino sa kanila ang mga makakalusot.
* * *
May problema pa rin pala hanggang ngayon ang Canada concert tour ng superstar na si Nora Aunor dahil hindi tumupad sa usapan ang promoter ng concert at si Guy (Nora) ang mga producers ng limang lugar sa Canada ang naiipit.
May pinirmahang kontrata si Guy sa isang promoter sa Canada para sa limang guaranted shows sa iba’t ibang lugar tulad ng Vancouver, Toronto, Edmonton, Winnipeg, at Calgary.
As in any contract, may down payment upon signing of the contract - usually 25% or 50%. Ang may kontrata ay between Guy at ang promoter sa Canada at ang promoter naman ang may hiwa-hiwalay na kontrata sa iba’t ibang producer sa mga lugar na nabanggit, unless iisa lamang ang producer ng limang shows sa magkakaibang lugar.
Sa simula pa lamang ay hindi na tumupad ang promoter sa usapan at laman ng kontratang kanilang nilagdaan ni Guy. Ang kabuuan ng downpayment ay hindi pa naibibigay kay Guy samantalamg naibigay na ng concert producers ang full downpayment sa promoter.
Pinagmukhang kawawa ng promoter si Guy para i-follow-up ang kabuuang bayad pero hindi na siya kinakausap nito. Ang problema, si Guy ngayon ang naiipit sa mga producers na hindi naman niya direktang kausap.
Nalulungkot si Guy sa mga nangyayari. In good faith ang kanyang pagtanggap ng offer at pagpirma ng kontrata at nakatanggap siya ng kabayaran (partial) na $8,000 (hulugan pa). Kung hindi sisiputin ni Guy ang shows niya sa Canada, siya na naman ang mapapasama pero wala siyang kasalanan sa aspetong ito. Ang promoter ang kanyang hinahabol at ito rin dapat ang habulin ng mga producer.
“Diyan ako parati nasisira. Ang ending, ako parati ang may kasalanan dahil hindi naman alam ng mga tao ang totoong dahilan,” malungkot na pahayag ni Guy.
Pero isa kami sa umaasa na maaayos ang problema at magkaroon na lamang ng direktang kasunduan sa pagitan ni Guy at ng mga producers. In the meantime, puwedeng habulin ni Guy at ng mga producer sa Canada ang promoter dahil ito ang punu’t dulo ng problema.
* * *
- Latest