Showbiz nanahimik
Nasaan na sina Ara Mina, Kristine Hermosa, Janina San Miguel at Jordan Herrera ang question ng isang dear reader ng PSN.
Hindi nawawala sina Ara, Kristine, at Janina. Nandiyan lamang sila. Hindi visible sa TV si Ara dahil busy siya sa pangangampanya. Kandidatong konsehal si Ara sa Quezon City kaya pinatay ang kanyang karakter sa Tinik Sa Dibdib.
Gabi-gabing napapanood si Kristine sa Dahil May Isang Ikaw na bukas na ang ending. Ang balita ko, magpapahinga muna si Kristine pagkatapos ng Dahil May Isang Ikaw dahil masyado siyang napagod sa kanyang mga pag-iyak.
Hindi madali sa mga artista ang umiyak, lalo na kung sunud-sunod ang mga crying scene nila.
Huling napanood si Janina sa Season 3 ng Celebrity Duets. Wala nang news tungkol sa kanya. Kasabay ng pagkawala sa ere ng Celebrity Duets ang disappearing act ni Janina.
Wala akong alam sa whereabouts ni Jordan. Ni hindi ko na nga matandaan ang kanyang face. Ask n’yo na lang si Jojit de Niro tungkol kay Jordan dahil siya yata ang higit na nakakaalam.
* * *
Tahimik pa ang showbiz. Hindi pa nangyayari ang mga eskandalo na talagang yayanig sa showbiz.
Mga isyu na talagang pinagpipistahan ng mga tao. Ordinaryo sa akin ang preventive suspension ng MTRCB sa Showtime dahil marami nang shows ang pinatawan noon ng parusa ng opisina ni Mama Consoliza Laguardia.
May nagtatanong nga pala sa akin kung paano makakakuha ng MTRCB Deputy Card. Stop na ang pamimigay ng MTRCB ng deputy card dahil last term na ni Mama Consoliza bilang chair.
Co-terminus ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang pananatili sa puwesto ni Mama Consoliza pero kung ako ang tatanungin, siya pa rin ang gusto ko na maging Chair ng MTRCB. Kung sinuman ang susunod na pangulo ng Pilipinas.
Maganda ang track record ni Mama Consoliza. Mahal na nga siya ng mga tao sa television industry. Nakikipagkaibigan si Mama Consoliza sa mga taga-industriya ng telebisyon pero alam niya ang limitasyon. Hindi niya hinahayaan na maging sagabal ang friendship sa kanyang mga desisyon, sa mga show at TV personality na dapat patawan ng parusa dahil sa kanilang mga pagkakamali.
I should know. Kahit magkakilala kami ni Chair Laguardia, pinadadalhan niya ako ng memo kapag nagiging pilya ako sa Startalk. Naranasan ko na rin na masuspinde!
Ganyan ka-fair si Mama Consoliza.
* * *
Hindi ako mapalagay kapag nabubuklat ko ang January 2010 issue ng S Magazine at nakikita ko ang mga mamahaling bag na koleksiyon ni Annabelle Rama.
Daig pa ni Bisaya ang may tindahan ng mga expensive at original bags. May koleksiyon siya ng Prada, Chanel, Gucci Louis Vuitton at Hermes.
Milyun-milyon ang halaga ng koleksyon ni Annabelle kung kukuwentahin ko ang presyo ng kanyang mga bag na tanging mga tunay na mayayaman ang makaka-afford.
Aaminin ko, nanghihinayang ako dahil hindi ako nakapunta sa presscon ng S Magazine para sa Gutierrez family. Masyado na kasing gabi ang imbitasyon (8:00 p.m) pero kung nandoon ako, sisiguraduhin ko na ako ang mag-uuwi ng Prada bag na ipina-raffle ni Bisaya sa mga reporter.
Na-shock ako nang malaman ko na P50,000 plus ang presyo ng mga Prada bag. Nagulat pa nga raw ang binilhan ni Bisaya ng mga Prada bag dahil ipina-raffle lamang niya ‘yon.
Kailangang magkita kami ni Bisaya dahil kukulitin ko siya na bigyan ako ng bag. Sa rami ng kanyang koleksiyon, hindi kabawasan kung bibigyan ako ni Bisaya ng isa. I’m sure, hindi niya araw-araw na nagagamit ang mga bag na kung may mga damdamin lang eh tiyak na nalulungkot dahil nasa loob lamang sila ng eskaparate. Kung makapagsasalita lamang ang mga bag, gugustuhin din nila na gamitin sila ng kanilang amo.
Pupunta si Annabelle sa Cebu sa Linggo para sa Sinulog Festival. Kasama niya sina Richard at Heart Evangelista. Sundan ko kaya si Bisaya sa Cebu at dito harbatan para hindi siya makatanggi?
- Latest