Pacman not once, but twice na kulelat sa festival
Hindi na ako nagtaka nang mabalitaan ko na na-pull out na sa ibang mga sinehan ang Wapakman.
Hindi natin masisisi ang theater owners sa kanilang pasya dahil kailangan din nilang kumita.
Umabot na sa P90 M ang gross ng Ang Panday pero ang Wapakman, hindi pa yata lumalampas sa P4 million ang box-office gross.
Aral kay Manny Pacquiao ang nangyari. Isantabi muna niya ang paglabas sa pelikula. Sayang ang datung dahil sa pagkakaalam ko, co-producer din siya ng kanyang mga filmfest movie.
Nangulelat sa 2008 Metro Manila Film Festival ang Anak ng Kumander at noong 2009, nasa huling puwesto rin ang Wapakman.
Ang maganda lang kay Manny, hindi natin siya naringgan ng panghihinayang dahil hindi kumita ang kanyang pelikula. Mas nanghihinayang pa nga tayo dahil alam natin na milyun-milyong piso ang nalugi sa mga produ ng Wapakman.
* * *
Tuloy daw ang laban ni Manny kay Floyd Mayweather, Jr. sa March 13 at ayon ito sa mga tao na nakausap ng Pambansang Kamao.
Mismong si Manny daw ang nagsabi na tuloy ang laban nila ni Floyd Mayweather, Jr. at ikinatuwa ito ng boxing fans.
Gustung-gusto ng mga Pilipino na matuloy ang paghaharap ng dalawa sa ring. Type nila na makita na pinahihirapan ni Pacquiao si Mayweather, Jr. na over-acting na ang kadaldalan.
Hindi pa man opisyal ang laban nina Manny at Floyd, maraming celebrity ang nagpaplano na panoorin ang kanilang boxing match. Hindi raw nila mapalalampas ang makasaysayang pagtutunggali ng kasalukuyang Pound for Pound King at ng dating Pound for Pound King.
* * *
Ang guesting sa SOP noong Linggo ng aking inaanak na si Mark Anthony Fernandez ang ebidensiya na malusog at masigla siya.
Binigyan ng malisyosong kahulugan ang pag-alis ni Mark sa Darna. Sari-sari ang kumalat na tsismis. Ang hindi nila alam, si Mark ang leading man ni Regine Velasquez sa Diva. Kung talagang may personal at mabigat na problema si Mark, totally goodbye na siya sa showbiz!
Love ni Mark ang kanyang trabaho. Naranasan niya na maging jobless kaya hinding-hindi na niya pakakawalan ang magagandang oportunidad na ibinibigay sa kanya ng GMA 7.
* * *
May ginagawang pelikula si Chito Roño pero hindi ko alam kung sino ang mga artista. Basta ang natatandaan ko, Emir ang pamagat ng project at kinukunan ang mga eksena nito sa Northern Luzon.
Nabanggit din sa akin ni Chito ang teleserye na gagawin niya sa ABS-CBN.
As usual, hindi ko maalalaala ang title pero isa sa mga bida si Sid Lucero. Tinatapos muna ni Sid ang mga eksena niya sa Dahil May Isang Ikaw para maka-focus na siya sa kanyang bagong teleserye sa ABS-CBN.
Malaki ang naitulong kay Sid ng Dahil May Isang Ikaw dahil napatunayan niya ang husay sa pag-arte.
Sa showbiz, hindi nawawalan ng project ang magagaling na artista, basta iwasan lang nila na maging pasaway.
* * *
May nagsabi sa akin tungkol sa isang pamahiin ng mga Chinese, hindi sila nagpapakasal tuwing Year of the Tiger kaya bihira raw sa kanila ang magpapakasal sa 2010.
Hindi ko sinasabi na huwag kayong magpakasal dahil Year of the Tiger ang 2010. May-I-share ko lang sa inyo ang balita na nasagap ko.
Happy Three Kings!
- Latest