Charice nagpakitang-gilas sa Singapore Idol
Walang katotohanan ang tsismis na hindi nagpaparamdam si Senator Jinggoy Estrada dahil siya ang number one sa survey ng mga senatoriable.
Hindi totoo ang tsismis dahil more than fifty press people ang pinasaya kagabi ni Jinggoy sa kanyang post-Christmas party na ginanap sa San Juan.
Naka-smile na umalis sa party ang mga reporter dahil na-feel nila na importante sila kay Jinggoy at sa buong Estrada family.
Maraming salamat kay Jinggoy at siyempre kay Ninang na family friend ng mga Estrada.
***
Kahapon ang victory party ng Ang Darling Kong Aswang ng M-Zet at OctoArts Films. Nagpatawag ng victory party ang mga produ ng filmfest movie ni Vic Sotto dahil blockbuster sa takilya ang Aswang.
Next year, siguradong may filmfest entry uli si Vic dahil hindi kumpleto ang Metro Manila Film Festival kung wala siyang pelikula.
Hindi pa nasisira ang track record ni Bossing. Palaging nasa Top 3 ang mga pelikula niya tuwing filmfest. Siya na talaga ang Hari ng MMFF.
o0o
Hindi na ako pumunta sa bahay nina Laurice Guillen, pagkatapos ng misa para kay Johnny Delgado sa Mary The Queen Church, Greenhills noong Martes.
Sinabi ko kay Laurice na kailangan kong umuwi ng maaga dahil hindi na ako sanay na magpuyat. Talagang ini-enjoy ko ang aking pagiging senior citizen.
Saka, ayokong ma-miss ang mga kapana-panabik na eksena ng Dahil May Isang Ikaw na malapit nang mag-goodbye sa ere.
Inaabangan ko kung totoo na mamamatay din si Red, gaya ng nangyari kay Denise. Si Red ang karakter ni Sid Lucero sa Dahil May Isang Ikaw at si Karylle naman si Denise.
Malaki ang naitulong kay Sid ng Dahil May Isang Ikaw dahil na-prove ng televiewers na talagang may ibubuga siya sa pag-arte. Kayo na ang maging anak ni Mark Gil at maging apo nina Rosemarie Gil at Eddie Mesa!
o0o
Dahil sa PSN, nagkaroon uli kami ng communication ng mag-asawang Oscar at Loida Atienza, ang kumpare at kumare ko na nakatira sa Chino Hills, California.
Nakatanggap ako ng e-mail mula sa kanila dahil iniligay ko uli ang aking e-mail address na [email protected]. Na-touch talaga ako sa pangungumusta nila sa akin at sa pagbabasa nila ng PSN. Sina Pareng Oca at Mareng Loida ang mga ninong at ninang ng aking panganay na anak na si Sneezy.
o0o
Maraming salamat at Happy New Year kay Mike De Dios na nagpadala ng news na fresh from Singapore. Ito ang kuwento ni Mike, ang aking bubwit sa Singapore:
“Hello Manay Lolit. Ibalita ko lang sa’yo na noong Dec 27 ginanap dito sa Singapore ang finals ng Singapore Idol (between Malaysian-Singaporean guy at isang half-Pinay na di sanay mag-Tagalog).
Isa sa mga guest performer si Charice, and two of the past Singapore Idol na ‘yung isa eh the first Asian Idol.
Literally, nilamon ni Charice ng buong- buo ang lahat nang nag-perform noong gabing ‘yon. What made us all proud (Pinoys here in SG) ay nang sabihin niya na “I am Charice and I’m from the Philippines.”
One of the finalist (Sylvia Ratonel), has Filipino blood, pero ang nakaka-disappoint sa kanya, hindi siya sanay magsalita ng Tagalog and when asked in an interview kung bakit hindi Tagalog ang kakantahin niya during the Asian Song week competition, she answered “ Yes, I have Filipino blood, but I don’t know that language”.
That incident caused her the Singapore Idol title, I think, hindi niya nakuha ang support ng Pinoy community here in Singapore. Alam mo naman ang mga Pinoy, basta para sa karangalan ng bansa, kahit maubos ang load, boboto at boboto...”
Yun lang Manay... Belated Merry Christmas and Advance Happy New Year.. Sana marami kang naharbat noong Pasko.
***
Maraming salamat kay Mike dahil sa e-mail na kanyang ipinadala. Totoo na marami akong naharbat noong Pasko pero nakukulangan pa ako. Marami pa ang hindi nagpapadala kaya gusto kong ipaalam sa kanila na hanggang sa January 6, 2010 pa ako tatanggap ng mga Christmas gift.
- Latest