U-turn sa 2009
MANILA, Philippines - Sa pagtatapos ng unang dekada ng milenyo, isang makasaysayang paglalakbay ang tatahakin ng GMA News and Public Affairs bilang paghahanda sa parating na eleksiyon sa taong 2010. Sabay-sabay tayong mag-round trip pabalik sa masalimuot, pasikut-sikot at malubak na rutang dinaanan ng ating bansa sa taong 2009 at ating pag-usapan kung dire-diretso na ba ang ating biyahe o baku-bako pa rin ang daang ating haharapin sa susunod na taon nang dahil sa Eleksiyon 2010. Kasama ang mga premyadong broadcast journalists na sina Jessica Soho at Arnold Clavio, sumakay na at bagtasin ang Biyaheng 2010: The GMA News and Public Affairs Yearend Special.
Naging mapait ang singil ng kalikasan sa pagharurot nina Ondoy, Pepeng at marami pang bagyong kumitil at sumira sa buhay ng libu-libong Pilipino. Hindi rin nawala ang kaliwa’t kanang krimen tulad ng kidnapping, murder, robbery, gaya ng pagpatay sa mahigit limampu’t pitong inosenteng sibilyan, na kinabibilangan ng maraming mamamahayag, sa karumal-dumal na masaker sa Maguindanao.
Sa pulitika, buhol-buhol ang mga isyu at kontrobersiyang pumutakti sa pamahalaan at sa papalapit na Eleksiyon 2010. Ilang malalaking personalidad din ang sumakabilang buhay, gaya ng democracy icon na si dating Pangulong Cory Aquino, ang Master Rapper na si Francis Magalona, ang King of Pop na si Michael Jackson at ang haligi ng Iglesya ni Kristo na si Ka Erdy Manalo.
Ilan lamang ang mga pangyayaring ito sa mga bahagyang nagpatirik sa ating tibay at katatagan bilang isang bayan ngayong 2009. Pero sa kabila ng lahat ng ito, may mga bagay pa ring muling nagpaarangkada sa ating bansa at nagbigay ng mga karangalan at panibagong pag-asa.
Ang hindi matatawarang kabayanihan ng mga Pilipinong tumulong sa gitna ng matitinding unos, ang pagkahirang kay Efren Penaflorida bilang CNN Hero of the Year at ang pagsungkit ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao ng kanyang ikapitong titulo, kasabay ng pagkapanalo rin ng marami pang boksingero ang ilan sa napakaraming tagumpay na nakamit natin. Isang dahilan para sabihing sa gitna ng mga hindi kanais-nais na nangyari ngayong 2009, masarap pa rin sabihing ikinararangal pa rin nating maging Pilipino.
Pero sa kabila ng mga tagumpay at problemang kinaharap natin, may magagawa kaya ang Eleksiyon 2010 para magdala ng pagbabago sa bansa nating tila naghihingalo?
Mag-U-turn sa nakaraan at humarurot patungo sa ating hinaharap kasama sina Jessica Soho at Arnold Clavio sa Biyaheng 2010: The GMA News and Public Affairs Special, ngayong Disyembre 27, 2009, sa SNBO, 10:45 p.m. sa GMA 7.
- Latest