Iza sinapawan ni Rhian
Nalungkot ako nang mapanood ko ang press preview ng Ang Panday nung Lunes ng gabi. Naalala ko kasi at na-miss si FPJ, ang nagpasikat ng character na ito ni Carlo J. Caparas.
Aakalain mo na premiere showing na ‘yon dahil ginawa sa isang malaking sinehan. Palakpakan ang maririnig na ilang ulit ibinigay ng manonood sa pelikula dahil sa napaka-gandang special and visual effects nito, nagsimula at natapos ang movie nang walang ingay na sumira sa konsentrasyon ng manonood.
Maganda ang pelikula, maipagkakapuri ni Fernando Poe, Jr. sakali mang napanood niya ito. Kita ang effort ng mga producers (Imus Productions & GMA Films) na mapaganda ito at maipapanood maging sa mga bata.
Ang galing ni Phillip Salvador. Totoo yung minsan ay narinig ko na sinabi ng kanyang direktor sa Ang Panday na wala naman siyang ginawang movie na hindi siya magaling.
Ang galing din ni Rhian Ramos. At ang ganda niya sa movie! Mas malaki ang role niya sa bidang babae na si Iza Calzado. Meron din siyang death at funeral scene na nagpaalala sa akin ng funeral scene rin ni Sean Connery sa First Knight. Mas maganda siguro kung hinabaan ang kanyang mga action scenes.
Ang guwapo naman ni Geoff Eigenmann kaya lang maikli ang kanyang role tulad din ng pagiging maikli ng roles nina Stef Prescott, Paolo Avelino, John Lapus, Carlene Aguilar, at Anne Curtis.
Nakuha ni Bong Revilla yung youthful look na ni-require sa kanya ng direktor bilang Flavio. Kailangan lamang na magbawas pa siya ng konting timbang para mas magmukha pa siyang desirable.
Sa kabuuan, maganda ang movie, talagang dudumugin ng mga bata karay-karay ang kanilang mga magulang at nakatatandang kapatid. Magugustuhan nila at kaiinggitan ang role ni Robert ‘Buboy’ Villar bilang sidekick ni Flavio.
Bitin ang ending, maliwanag ang isinasaad nito na may kasunod pa ulit ang Ang Panday. Sayang lamang at hindi na maibabalik pa si Rhian sa kasunod na pelikula dahil namatay na ang character niya sa movie.
- Latest