Isa pang Kapamilya aktor nakikipag-negotiate na sa GMA 7
Isa na namang Kapamilya star ang lilipat sa Kapuso network, pero hindi pa siya puwedeng pangalanan dahil inaayos pa nang husto ang paglipat ng talent. Pero nagpaalam na raw ang talent na ito sa mga bossing ng ABS-CBN at pinayagan ito, kailangan lang tapusin ang kontrata niya up to the end of this year.
Para mas makakilos, nagpalit na rin ng manager ang talent sa paglipat niya ng GMA 7 at siniguro ng bagong manager ng talent na may show agad siya paglipat niya ng Channel 7. Maayos din ang paalam nito sa dating manager, kaya walang problema.
Ang maibibigay lang naming clue sa Kapamilya talent na malapit nang mag-ober da bakod ay lalake siya at minsan na ring na-involve sa kontrobersiya na may kinalaman sa lovelife.
* * *
Kuwento ni Christopher de Leon nang makausap namin sa taping ng Sana Ngayong Pasko, si Sharon Cuneta mismo ang tumawag sa kanya at nakiusap na magkaroon siya ng special participation sa Mano Po 6 as her husband. Hindi raw siya nakatanggi dahil kaibigan si Megastar, pero kapiranggot man ang kanyang role, importante pa rin sa takbo ng istorya dahil magiging daan para apihin si Melina (Sharon) ng kanyang in-laws.
Kahit maiksi ang role, happy pa rin si Boyet na maging part ng pelikula na sinasabing lalaban sa takilya at acting awards sa 2009 Metro Manila Film Festival.
Matatapos pala ni Boyet ang taping ng Sana Ngayong Pasko dahil sa March 26, 2010 pa ang start ng campaign period at pinalitan ng Supreme Court ang ruling ng Comelec na lumabas sa TV at pelikula ang mga artistang kakandidato. Tatakbong Board Member sa second district ng Batangas si Boyet at naghahanda na siya sa kanyang kampanya.
Gaya ni Susan Roces, gusto ni Boyet ang story ng Sana Ngayong Pasko na tungkol sa dysfunctional family. Panoorin ninyo sa December 25 at paiiyakin kayo.
* * *
Kinumusta namin si Paolo Bediones sa manager niyang si Noel Ferrer at okey naman daw ang TV host na bagong lipat sa TV5. Habang wala pa siyang regular show, co-host muna siya ni Lucy Torres-Gomez sa Shall We Dance na ang guest mamaya ay si Mommy Dionisia Pacquiao kasama si US Ambassador to the Philippines Kristie Kenny.
Inihahanda na ang malaking show ni Paolo sa TV5, maghintay na lang tayo. Next year na gagawin ni Paolo ang Smart endorsement niya na kasama sa kontrata niya sa TV5, in the meantime, nagho-host muna siya ng mga event ng Smart.
Samantala, may special participation si Paolo sa Diablo episode ng Shake, Rattle & Roll XI sa role ng isang newscaster. Pumayag mag-cameo si Paolo dahil friend niya ang director ng episode na si Rico Gutierrez.
* * *
Sa part three ng My Christmas Wish episode ng Dear Friend this Sunday, grounded si Enzo (Joshua Dionisio) dahil tumakas sila ni Abby (Barbie Forteza) at pumunta sa tree house. Binawalang lumabas ang binatilyo na ipinanghina nito, kaya pinayagan ding lumabas at muling makasama si Abby.
- Latest