Anne matagal nang tinatarget ni Sen. Bong
Tuwing may gagawing festival entry si Bong Revilla, hindi puwedeng wala siyang kasamang anak. Naging tradisyon na niyang isama sila sa kanyang mga festival movies.
Pero sa Ang Panday, wala ni isa mang anak na kasama si Bong, bakit?
“Para naman maiba ito at hindi magmukhang isang package deal,” panimula ng senador. “ At para rin mag-mukhang bata si Flavio. Kapag may anak akong makikita ang manonood, isang ama ang tatatak sa isipan nila eh, si Flavio sa istorya ay nasa kasibulan, bata pa para magmukhang isang ama,” dagdag pa niya.
Marami ang makakapuna na nasa pelikula si Anne Curtis. At magtataka sila kung bakit hindi ito ang leading lady sa pelikula kundi sina Iza Calzado at Rhian Ramos.
“Surprise guest lamang siya sa pelikula, may cameo role bilang isang engkantada. Ipinakiusap ko lamang kay Boss Vic (del Rosario) ang kanyang paglabas. Pumayag naman ito, at pumayag din si Anne.
“Gusto kong makasama si Anne sa pelikula. Matagal ko na siyang minamataan. Sa susunod kong pelikula sana makasama ko na siya pero, hanggang hindi pa kami nagsisimulang magtrabaho na magkasama wala pang kasiguruhan,” anang napakatikas na Panday na itinuturing itong huling pagbibigay buhay niya sa character na isinilang ni Carlo J.Caparas at binigyang buhay ni Fernando Poe, Jr. bilang pinaka-magandang pelikula na ginawa niya sa kanyang buong career.
“Isang napaka-laking responsibilidad ang i-remake ang Panday dahil isang napaka-laking artista ni Ninong Ronnie. Kailangang hindi ako masira sa ganda ng movie at sa lakas nito sa box-office,” sabi pa ni Bong.
Hindi itinanggi ni Bong na nagkaroon ng iringan ang dalawang direktor ng pelikula, sina direktor Rico Gutierrez na siyang namahala ng mga special effects at si Direk Mac Alejandre na siyang director ng kabuuan ng pelikula.
“Nakialam na ako para matapos ang gulo, sinabi ko lamang sa kanila ang kani-kanilang mga responsibilidad. Ganun lang yon kadali,” sabi ng actor-producer ng movie na patuloy pa rin ang pagsubaybay sa kaso ni Katrina Halili laban kay Dr. Hayden Kho.
* * *
Masayang malaman na nakabalik na pala sa kanyang pamilya si Richie D’ Horsie.
Nagkapatawaran na sila ng kanyang asawa’t mga anak. Kitang-kita ito sa masayang aura ng komedyante na namalas ng lahat ng press na dumalo sa isa sa dalawang pinaka-huling pa-presscon para sa pelikulang Ang Darling Kong Aswang, entry ni Vic Sotto para sa MMFF, kasama si Cristine Reyes.
Kung nung unang mga araw na lumabas si Richie D’ Horsie sa kulungan ay narun pa rin ang itsura ng isang ex-convict, iba na ang imahe ngayon ng komedyante na muling binigyan ni Vic at ng kanyang mga kasamahang sina Tito Sotto at Joey de Leon ng isa pang pagkakataon. Bukod sa may ngipin na ito ay napaka-linis na ng kanyang itsura.
“Nakikita ko naman ang pagpipilit niyang magbago. Pawang ang Diyos ang namumutawi ngayon sa kanyang bibig. Naging mapagmahal na siyang ama ng kanyang mga anak. Hindi lamang ako, maging ang kanyang mga kaibigan ay nakikita ang kanyang malaking pagbabago ngayon,” ani Vic na nung una ay sinawaan din sa pagtulong kay Richie D’ Horsie dahil parati itong sumisira sa kanyang pangako.
* * *
Nagimbal tayo ng balita noon when a young Atenista, full of life, budding with talent, ay namatay dahil sa isang hold-up.
Bukas ng gabi, ang buhay ni Tara Santilices ay mapapanood sa Maalaala Mo Kaya, with Karylle playing her.
Galing si Karylle sa matagumpay na seryeng Dahil May Isang IKaw. Bukas ng gabi, she is up for another challenging role. This time, she stars with acting heavyweights Cherry Pie Picache and Albert Martinez. Makakasama rin niya si Megan Young na gaganap na best friend niya.
- Latest