Aktor tuloy ang paninira sa nakarelasyong aktres
Hindi naniniwala ang press na naka-move on na ang aktor na ito sa break-up nila ng magandang aktres dahil sa mga paninira nito laban sa ex-GF.
Hindi na inisip ng aktor ang pinagsamahan nila ng ex-GF sa mga ipinahayag na makakasira sa dalaga. Tumatak sa amin ang sinabi ng aktor na kung nagbuntis man ang aktres noong sila pa, tiyak na hindi siya ang ama dahil maraming naka-fling ang ex noong sila pa.
‘Kaloka dahil kung alam ng aktor na may ibang guy ang ex, bakit hindi siya agad nakipag-break at tumagal pa ng ilang taon ang kanilang relasyon.
Heto pa, oo nga’t itinanggi ng aktor na nag-live –in sila ng ex-GF, pero pinalabas namang sleep over partners sila. Nangyayari siguro ito ‘pag walang kasama sa bahay ang aktres.
Kapag nakipagbalikan ang aktres sa aktor, ‘dun namin babanggitin ang pangalan ng actor dahil sa interview namin sa kanya, iginiit na walang balikang mangyayari sa kanilang dalawa. Tingnan natin kundi kakainin ng aktor ang kanyang mga sinabi.
* * *
Dalawa sa pumasok sa Final 14 ng StarStruck V ay ang Fil-Japanese na si Nina Kodaka at ang Fil-Brit na si Princess Snell. Si Nina ay mabagal na’y mahina pang magsalita at tila kulang sa energy. Nagtawanan ang press sa sinabi nitong gusto niyang maging energetic.
Gusto nitong manalo’t gustong maging sikat na artista at nagdarasal daw siya at relatives niya para pumasok siya sa Final 14. Okey lang sa kanyang sabihing look-alike siya ni Iwa Moto, pero never daw siyang magpapaseksi dahil wala siyang katawan. Nag-blush ang hitad nang kantyawan ng press na may suso siya.
Inamin ni Princess na member siya ng Star Circle Batch 16 ng ABS-CBN, pero tapos na ang kontrata niya sa Dos. Sa sinasabi ni Fianca Cruz na wala siyang karapatang sumali sa SSV, pumila at nag-audition daw siya at sinuwerteng pumasa. Kung ayaw daw ng co-finalist niya sa kanya, ayaw din niya rito.
Binuking ni Princess na on na sina Ian Batherson at Rox Montealegre, pero itinanggi ng dalawa. Siya nama’y crush si Stef Cadayona dahil lagi siyang kinakausap.
* * *
Kahit kontrabida ang role sa Darna bilang si Babaing Demonyita, masayang-masaya si Jackie Rice na mapasama sa series at kahit ‘di pa siya nagti-taping, na-feel niyang welcome siya sa ibang cast lalo na kay Marian Rivera. Ang wish tuloy ng dalaga, hanggang mag-end ang series ay kasama siya.
Big challenge kay Jackie na first time siyang magkokontrabida at big star pa ang kalaban at excited na siyang mag-taping. Nag-react lang ito sa sinabi ng isang press na bagay sa kanya ang demonyita role dahil lahat ng tao ay may bad side.
Nag-react din ito sa ipinarating ng isang reporter na comment ng ex niyang si Biboy Ramirez sa abortion issue na ikinabit sa kanya. Kahit hindi sila friends ni Biboy, kakausapin niya ito para alamin kung totoong siniraan siya sa harap ng press.
“Wala akong galit sa kanya, mali lang ang sinabi niya at kailangan kong itama. Hindi ko masasabi kung aawayin ko siya, pero bakit kailangan niyang sabihin ‘yun. Ayaw ko nang isabit ang name niya sa akin,” sabi ni Jackie.
Bago natapos ang interview kay Jackie, napaiyak ito dahil ipinaalala sa kanya si Marky Cielo na first death anniversary sa December 5.
- Latest