Maliwanag ang Pasko nagsimula na
MANILA, Philippines - Kahanga-hanga ang ipinakitang kadakilaan nina Angel Locsin, Anne Curtis, Richard Gutierrez, Kris Aquino, Sharon Cuneta at marami pang iba noong kasagsagan ng relief operations para sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng. Naging inspirasyon sila sa marami at ipinaalaala nila sa lahat ang kahalagahan ng pagkakaisa sa gitna ng trahedya kaya naman nalagpasan natin ang pagsubok na ito.
Ganitong kabayanihan at pagkakaisa rin ang ipinagdiriwang ng Manila Electric Company (Meralco) sa pamamagitan ng kanilang taunang programang Maliwanag ang Pasko (MAP).
Pormal na inilunsad ang programa na may temang Pagkakaisa kamakailan sa pangunguna nina Meralco Chairman at CEO Manuel M. Lopez, President at COO Jose de Jesus at VP/ Corporate Marketing head Miguel Lopez, at dinaluhan ng ilang miyembro mula sa mga beneficiaries ng MAP: Caritas Manila, Hospicio de San Jose, Ladies of Charity AIC, White Cross, Tahanang Walang Hagdanan at Manila Boystown.
Kasabay nito, binuksan sa publiko ang makukulay na Meralco Christmas displays – Barangay Maliwanag at Santa’s Village – at inilawan ang mga parol sa loob ng Meralco compound.
Hinihikayat naman ang lahat ng Meralco customers na lumahok sa Christmas Lighting display contest sa ilalim ng MAP program, kung saan 15 winners ang mag-uuwi ng P25,000 each at magkakaroon ng pagkakataong mamili sa mga nasabing anim na charitable institutions, na tatanggap rin ng P25,000.
Bibisita sa mga nagpa-rehistro ang mga taga-Meralco para i-evaluate ang mga sumali gamit ang criteria na Brightness (40%), Creativity (40%) and Safety (20%).
Para mag-register, ang Meralco customers ay maaaring tumawag sa MAP hotline 1-800-10MaPasko para sa mga taga-probinsiya at 885-7049 para sa mga taga-greater Manila, makipag-ugnayan sa MAP On-Ground Team o bumisita sa www.maliwanagangpasko.com.
- Latest