Dahil sa sobrang kasamaan, Jean Garcia pinaliguan ng Holy Water ng pari
Hindi kataka-taka na pag-isipan din si Dingdong Dantes ng pamumulitika dahil napakarami niyang advocacy, isang paraan na ginagawang tuntungan ng napakarami para pumasok ng pulitika.
Bukod kasi sa kanyang YES Pinoy Foundation na sumusuporta sa edukasyon ng mga kabataan, pumayag siyang makipag-partner sa National Book Store (NBS) at maging endorser ng Project Aklat, isang book drive na humihikayat sa lahat ng mga mamimili sa NBS na bumili at mag-donate ng libro mula sa pinaka-murang halagang P30 pataas.
Layunin din ng Project Aklat na itayong muli ang mga nasirang iskuwelahan para mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makabalik sa eskwela at makapag-aral na muli.
Nagsimula ang partnership ng NBS at ni Dingdong nang mag-donate ang una ng 5,000 study kits sa foundation ng actor. Timing ang pagkakabigay nito dahil nagamit ito sa isang paaralan na sinira ng bagyong Ondoy pero itinayong muli nina Dingdong.
Anang chairman ng NBS Foundation na si Trina Alindogan : “Maraming tao ang gustong tumulong pero, hindi nila alam kung papaano. O baka kaya lang nilang magbigay ng P50 at hindi nila alam kung kanino ito ibibigay. Ito ang pagkakataon na ibinibigay ng Project Aklat sa lahat ng gustong tumulong. Malaki ang maitutulong natin kung bawat isa sa atin ay magdo-donate ng kahit isang libro lamang.”
Samantala, sinabi ni Dingdong na wala siyang balak pumasok ng pulitika. Wala raw dahil kahit hindi siya isang pulitiko ay nakakatulong na siya sa marami. At kung nangunguna man sa kanyang advocacy ang pagbibigay ng edukasyon sa mga kabataan, ito ay dahil sa minsan ay naging scholar din siya, nakapag-aral ng libre.
Sa ngayon kasabay ng kanyang advocacy ang pagiging aktibo niya sa kanyang trabaho. Bagaman at natanggal siya matapos ang limang taong pagiging co-host sa Starstruck ng GMA 7, ginawa naman siyang solo host ng isang popular na game show na namana niya kay Richard Gomez na kinailangang iwan ito para lumahok sa pulitika.
Ito ang Family Feud na nung mag-dry run sila ay hinalikan niya lahat ng mga babaeng contestants tulad ng ginagawa ni Richard. Pero nang mag-taping na sila ay hindi niya ito nagawa dahil artista ang mga contestants, nahiya siya!
Bago siya nagsimula bilang host ng Family Feud, pinanood niya ang maraming episodes nito na kasama si Richard. Binasa rin niya ang bibliya ng nasabing contest para malaman ang mga regulasyon nito, ang mga puwede at hindi niya puwede sa show.
Hiling lamang ni Dingdong na huwag silang ipagkumpara ni Richard, magkaiba sila at may kanya-kanyang istilo sa pagiging host. Tumayo nga ang balahibo niya nang sabihan siya na papalitan niya si Goma.
“Irerespeto ko kung sasabihin ng manonood na mas mahusay sa akin si Richard, sa akin ang mahalaga ay kung madadala ko ang show,” sabi niya.
* * *
Maganda talagang mag-buwena mano ni Kuya Germs. Kailan lamang siya nag-host ng kanyang Christmas in November, pero heto at sumunod agad ang PPL Entertainment, Inc., isang events management, concert production PR advertising & marketing, multi media at artist management group. Kasalukuyang mina-manage nito ang career nina Dingdong Dantes, Jolina Magdangal, Geoff Eigenman, Angelika dela Cruz, Arthur Solinap, Gabby Eigenman, atbp. namigay sila ng kanilang maaga at bonggang Pasko sa press.
Umalis sa kanyang trabaho sa GMA ang presidente at CEO ng kumpanya na si Perry P. Lansigan para makapag-focus sa pagpapatakbo ng kanyang bagong opisina.
Samantala naging masaya ang mahigit sa 100 na entertainment press na dumalo sa party.
* * *
Dalawang linggo na lamang at magtatapos na ang Stairway to Heaven. Ipinangako ng isang taga-produksyon na mas maraming luha pa ang aagos sa mga mata ng manonood ng serye na isang remake ng isang popular na Koreanovela at tinatampukan ang remake nina Dingdong Dantes, Rhian Ramos, TJ Trinidad, Jean Garcia, Glaiza de Castro, Sandy Andolong, at marami pang iba. Direksiyon ito nina Bb. Joyce Bernal at Andoy Ranay.
Pinaka-aabangan ay kung magagawang ipaglaban nila Cholo at Jodi ang kanilang pag-ibig laban sa masamang si Maita.
Sa sobrang kasamaan ni Maita na buong husay na ginagampanan ni Jean Garcia, pati ang pari na nagdiwang ng Misa ng pasasalamat para sa tagumpay ng serye ay sinampal siya, binuhusan ng napakaraming holy water pero, pagkatapos ay pinuri ang mahusay niyang pagkakaganap sa kanyang role. Showtime lang pala.
- Latest