Aga-Regine movie ayaw madaliin
Nakausap namin si Veronique del Rosario-Corpus sa special screening ng scary movie na Paranormal Activity at ibinalita nitong hindi aabot sa January 8, 2010 ang showing ng reunion movie nina Aga Muhlach at Regine Velasquez na as of now, Of All the Things na ang title.
Hindi tuluy-tuloy ang shooting ng movie dahil may ibang trabaho at lakad sina Aga, Regine at Bb. Joyce Bernal. Umalis si Regine kasama si Ogie Alcasid para dumalo sa kasal nina Michelle van Eimereen at Mark Murrow sa Australia at sa Nov. 25 pa ang balik. Hindi rin tuluy-tuloy ang shooting nito kahit makabalik dahil gagawin ang Christmas Special sa GMA 7 na After the Rain.
Busy din si direk Joyce sa last few days ng taping ng Stairway to Heaven at may iba ring work si Aga. Ayaw naman ng Viva Films at GMA Films na madaliin ang pelikula, kaya para matiyak na maganda, iaatras na lang nila ang playdate nito. Siniguro ni Veronique na magugustuhan ang balik-tambalan nina Aga at Regine and worth the wait.
Roderick Papasok Na Sa Pulitika
Sa interview namin kay Roderick Paulate sa last taping day ng Rosalinda, sinabi na nitong papasok siya sa pulitika, pero hindi muna ipinasulat dahil makikipag-meeting pa siya kinabukasan sa ilang tao na tutulong sa kanya.
The other day, nag-text ito para sabihing puwede nang isulat na tuloy na ang pagtakbo niya sa 2010 elections, pero ayaw pa ring tukuyin kung anong posisyon. Ang tiyak lang ay sa Quezon City siya kakandidato. Tila pinagpipilian pa ni Dick kung konsehal sa second district ng Kyusi o congressman ang tatakbuhan. Sa Dec. 1 pa magpa-file ng kandidatura si Dick at dun malalaman kung konsehal o congressman ang puntirya niya.
Tamang-tama ang pagpalaot sa pulitika ni Dick dahil matatapos na ang Rosalinda at next year na siya magkakaroon ng regular show sa GMA 7. May time siyang mangampanya.
Naniniwala kaming ang finally pagpasok niya sa pulitika ang ipinagpaalam ni Dick sa ina bago ito pumanaw at binigyan siya ng blessing.
* * *
Wala sina Regine Velasquez at Ogie Alcasid sa re-launching ng SOP, kaya bago umalis, tineyp ni Direk Louie Ignacio ang production numbers nila, pati ang opening number na sabi ng aming source, bongga at malaki.
Nasilip ng aming source ang rehearsal ng opening number ng kantang Don’t Stop Believing at batay sa kanyang nakita, ang nakasama nina Regine at Ogie ay sina Jaya, Janno Gibbs, Mark Herras, Rainier Castillo, Aljur Abrenica, Kris Bernal, JC Tiuseco, LJ Reyes, Ryza Cenon, Rich Asuncion, Maxene Magalona, Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, Kyla, Jay-R, Pauleen Luna, Prince Stefan, La Diva, Jay Perillo, at Mae Flores.
Ang new faces na kasama sa opening number ay sina Frencheska Farr, Geoff Taylor, Alex Castro, Mico Aytona, Edgar Allan Guzman, at isang unfamiliar name. Kasama rin sa opening number ang cast ng Christmas List, ang bagong episode ng Dear Friend.
Kung wala ang pangalan ng ibang SOP regulars, baka hindi lang sila nakasama sa opening numbers, baka may iba silang number o baka tsugi na sila. Mamaya makukumpirma kung totoong out na sina Rufa Mae Quinto at Raymond Gutierrez at sina JN (??) at ME (??).
* * *
Nakita namin si Perry Lansigan, ang nag-resign na EP ng SOP sa presscon ng AYOS NA! at si Dingdong Dantes. Okay naman ang talent manager, naintriga lang kami sa sagot nitong “baka sa iba,” nang aming tanungin kung babalik pa siya sa GMA 7.
Nagpaliwanag din si Perry sa isyung ayaw niyang ipa-interview si Jolina Magdangal nang makita ng ilang press sa isang event sa Market! Market! Hindi personal ang ’di niya pagpayag na interbyuhin si Jolina dahil hindi pa ayos ang usapan nila, the moment na makapag-usap sila, hahayaan na niyang ma-interview si Jolina.
Ayaw ding magsalita ni Perry sa isyung kung wala man sa SOP si Jolina, ibabalik din ito sa January next year at ire-reinvent lang. Si Perry na kasi ang manager ni Jolina.
- Latest