Vic at Cristine walang personalan
Bakit kaya hindi si Pia Guanio ang kinuhang leading-lady ni Bossing Vic Sotto sa kanyang Metro Manila Film Festival movie na Ang Darling Kong Aswang kundi ang hot star ngayon na si Cristine Reyes?
“Maybe one of these days. If ever na kami ni Pia ang magkatambal sa movie, gusto ko ‘yung tailor-made ang material para sa aming dalawa pero meron naman siyang special participation dito sa movie namin ni Cristine,” paliwanag ni Bosing (Vic).
Sa loob ng tatlong taong magkakasunod, naging kapareha ni Vic si Kristine Hermosa dahil sa tatlong successful movie series ng Enteng Kabisote pero dahil bagong materyal ang Ang Darling Kong Aswang, nagbago rin siya ng kapareha.
Tulad ng comedy king na si Dolphy, naging tradisyon na ni Vic ang magbigay ng break sa mga fast-rising stars tulad ng nakababatang kapatid ni Ara Mina na kinakitaan ng TV host-comedian ng potential na sumikat nang husto at maging isang mahusay na aktres.
May dapat bang ika-insecure ang kasintahan ni Vic na si Pia kay Cristine dahil mas bata ito at super sexy? “Walang ganoong factor. Trabaho lang, walang personalan,” natatawang tugon ni Vic.
Samantala, sa tuwing gumagawa ng pelikula si Vic laluna sa MMFF, una niyang kinu-kunsidera ang kanyang audience.
* * *
Namomroblema ngayon ang mga organizers ng Darna Invades Japan na nakatakdang mangyari ngayong Linggo, November 22 sa Aprico Hall sa Tokyo, Japan dahil 1,500 lamang ang sitting capacity ng lugar. Paano pagkakasyahin sa nasabing lugar ang mahigit 12,000 active subscribers ng Access TV na siyang broadcast partner sa Japan ng GMA Pinoy TV?
Mahigpit sa Japan ang pamunuan ng mga venue at hindi puwedeng mag-accommodate ng sobra sa capacity ng lugar.
Sobrang sikat sa Japan ng Darna series ganoon din ang mga lead stars nito na sina Marian Rivera at Mark Anthony Fernandez. Ang maganda pa, first time pareho nina Marian at Mark Anthony na makarating sa Cherry Blossoms country.
* * *
Tatlong beses kaming nakatanggap ng imbitasyon na nagmula kay Sen. Loren Legarda pero hindi namin ito napupuntahan kaya nung muli kaming makatanggap ng text mula sa mahusay na senadora at sa kanyang staff na sina Hazel at Pauleen ay gumawa na kami ng paraan na makarating kahit alam namin na dagsa ang tao sa formal announcement ng pagsasanib puwersa nila ni Sen. Manny Villar bilang magka-tandem sa presidential election sa 2010. Sa nasabing okasyon ay natuldukan kung anumang issue ang namamagitan noon sa dalawang senador na may magkaibang pananaw at paninindigan sa maraming issue.
Alam mo, Salve A., hindi pa tapos ang buwan ng Nobyembre na siyang deadline ng pagpa-file ng certificate of candidacy ng mga kakandidato sa 2010 election kaya marami pang mga surprises ang maglilitawan.
Sa proklamasyon ng Villar-Legarda tandem, marami kaming nakitang personalidad na identified sa iba’t ibang partido pero dumalo para suportahan ang tambalan ng dalawa.
Simula sa Disyembre 1 ay klarado na kung sinu-sino ang magkakasama sa iisang partido.
* * *
Ibinalita sa amin ng kilala at successful concert producer na si Tito Al Chu ng Anaheim, California na nakatakdang magkaroon ng concert tour sa Amerika ang pop princess at box office star na si Sarah Geronimo sa buwan ng September sa susunod na taon at ngayon pa lamang daw ay inaabangan na ito ng ating mga kababayan sa Amerika. Very special si Sarah kay Tito Al dahil ito ang naging dahilan kung bakit niya pinasok ang pagiging concert producer.
Ang first venture ni Tito Al bilang concert producer ay naging masuwerte kaya parang ‘lucky charm’ na rin niya si Sarah na may apat o limang taon na rin niyang dinadala sa Amerika. “Sarah is very special to me. Para ko na rin ‘yang anak. Very close siya sa akin at maging ang parents niya. Gustung-gusto ko ang pagiging humble niya kahit sikat na sikat na siya,” pahayag ni Tito Al.
* * *
- Latest