Babaeng Linta magiging artista
MANILA, Philippines - Matagal na palang nakawala si Lutgarda/Babaeng Linta (Maggie Wilson) sa kumunoy kung saan nagbukas ang vortex na pinanggalingan niya.
Nang makalabas, agad nambiktima ng mga dalaga kaya nawawala ang kulubot ng balat niya.
Ipapakita ngayong gabi kung paano nadiskubre si Lutgarda para maging artista.
Ayaw na raw sana niyang makaharap si Darna (Marian Rivera) pero dinala siya ng pagkakataon sa San Martin. May shooting si Lutgarda sa lugar kung saan nakatira si Narda.
At sa pagkakataong ito, sisiguruhin ni Babaeng Linta na matatalo na niya sa Darna sa kanilang muling paghaharap.
Mambibiktima si Babaeng Linta pero darating si Darna!
Magsisisigaw si Lutgarda at magpapanggap na muntik na siyang maging biktima ng Babaeng Linta.
Iikot sa paligid si Darna para i-check kung naroroon pa ang supervillain pero wala itong makikita.
Babalikan pa niya si Lutgarda at aaluin dahil umiiyak ang nasabing artista.
Sa pagyakap ni Darna kay Lutgarda, maaamoy ng halimaw ang bango ng dugo ng Pinay superhero.
Makapagpigil-kaya ito o bigla na lamang nitong sipsipin ang dugo ni Darna?
Samantala, may ipapakita naman si Pancho (Dennis Trillo) na isang lumang magazine. Nasa magazine ang litrato ni Octavia Moran na sikat noong dekada ’40.
Maikukuwento naman ni Lutgarda na rape victim pala siya ng isang lalaking nagngangalang Adolfo Sandejas (Dennis Trillo rin).
Mare-recruit naman ni Bora (IC Mendoza) si Pancho para makapareha ni Lutgarda. At sa kanilang pagkikita, makikita ni Lutgarda na kamukha ni Pancho si Adolfo!
Paghigantihan kaya ni Lutgarda si Pancho dahil kamukha nito ang lalaking gumahasa sa kanya?
BEST of 3 sa PBB
Mabilis nakapag-adjust ang mga bagong housemates ng Pinoy Big Brother Double Up na sina Rocky Salumbides at Sam Pinto. Ang model na si Sam, nakuha agad ang atensiyon nina Rob at Hermes. Pagpasok pa lang ng 19-anyos na dalaga ay kapansin-pansin ang mga tingin ni Hermes sa kaniya, samantalang si Rob ay interesado sa estado ng lovelife niya.
Si Rocky naman ay nakikipagbiruan na rin at bumabangka sa kuwentuhan. Sumabak na rin ang dalawa sa pagpapatuloy ng labanan ng House A at House B sa linggong ito na tinatawag na Skilling Bee.
Katulad ng Pinoy Big Battle, best of 3 ang labanan ngayong Linggo. Ang unang team na makapanalo ng tatlong beses ang magwawagi ng weekly task pero maliban sa weekly budget na premyo ay may chance din ang winning house na magpataw ng automatic nomination sa isang housemate mula sa losing house.
Sa unang face-off challenge na It’s Showchoir, nagtagumpay ang House B, na mas nagpakita ng maayos na Tagalized version ng Insomia ayon sa huradong si Vice Ganda.
Sa ikalawang face-off challenge naman ay nag-ala-Iron Chef ang mga housemates na nagpatalbugan sa paghahanda ng mga putahe gamit ang durian. Malaki ang problema ng House A dahil maliban sa violation na nagawa ni Jason sa blind pabitin ng rekados ay walang nakuhang meat ang kanilang grupong.
Donaire nakuha rin si Singson
Katulad ni Manny Pacquiao na malapit sa tanyag na manong ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson, sinalubong din ng maayos ang pagdating ni Nonito “The Flash” Donaire, Jr. nang dumayo ang Fil-Am boxer sa norteng balwarte ng ex-governor kamakailan.
Si Chavit, na nangakong manonood din sa bawat laban ni Nonito sa darating na panahon, ay nagsilbing host para sa boksingero at sa grupo nito na mula sa GMA Artist Center (GMAAC). Maluwag pang nagpahiram ang dating pulitiko ng kanyang private plane at pagkatapos ay inikot ang grupo sa buong Vigan.
Nag-courtesy call din si Nonito kasama ang GMAAC artists sa opisina ni Gov. Deogracias Victor Savellano at Mayor Eva Marie Singson-Medina na parehong boxing fans.
Matapos magliwaliw sa Baluarte Zoo na bida ang mga alagang hayop ni Chavit, nag-enjoy ang lahat sa isang gabi ng musika at pagkain sa Café Leona dahil humataw sa kanta si Nonito na parang nasa Celebrity Duets 3.
Sa tuwa, nangako ang boksingero na muling magbabalik sa Vigan kapag may panahon sila ng asawang si Rachel Donaire.
- Latest