Nora Aunor umaming hindi iniwan ni John Rendez; Susan Roces kontra sa pagsi-senador ng anak
Nakasabay namin sa eroplano patungong Los Angeles, California nung nakaraang Oct. 30 ang mag-asawang Regine Tolentino at Lander Vera-Perez kasama ang kanilang dalawang anak.
Ayon sa mag-asawa, tatlong linggo umano ang kanilang bakasyon sa Amerika kaya naka-leave sila pareho sa kanilang respective work - si Regine sa Unang Hirit habang si Lander naman ay sa Bureau of Immigration nagta-trabaho.
Nasa TJ Max sa Anaheim Plaza naman kami nung hapon ng November 4 (Wednesday) nang hindi sinasadyang magkita kami ni Grace Poe-Llamanzares kasama ang kanyang mister na si Neil. Biro mo, Salve A. sa laki ng Amerika doon pa kami nagkita.
Samantala, mukhang reluctant pa rin hanggang ngayon si Grace na pasukin ang pulitika kahit pa may dalawang partido ang gusto siyang isama sa senatorial ticket. Sa pagkakaalam namin, maging ang kanyang mommy na si Susan Roces ay hindi rin pabor na pasukin niya ang pulitika tulad ng ginagawa ng kanyang namayapang amang si Fernando Poe, Jr.
* * *
Sa tulong ng ating kaibigang si Albert Sunga, isang malapit at matapat na kaibigan ng superstar na si Nora Aunor, nakuha ko ang mobile number sa Amerika ni Guy. Bago pa man ako lumipad patungong L.A. ay nagpalitan kami ng text messages ni Guy (Nora) at naramdaman ko ang kanyang excitement sa aming muling pagkikita.
Magmula nang mapunta si Guy sa Amerika ay pawang mga negatibong balita (hanggang ngayon) ang aming nasasagap tungkol sa kanya, enough for us para ma-discourage na makipagkita sa kanya. Pero tulad ng isang long-lost friends, nangyari ang hindi namin inaasahang muling pagkikita.
Pagkarating namin sa tahanan ni Tito Al Chu, ang concert producer sa Amerika na naka-base sa Anaheim, California agad kaming nakipag-communicate kay Guy hanggang sa kami ay nagkita nung gabi ng November 3 kasama ang aking kaibigang si Rhyan Deles. Sinundo namin ni Rhyan si Guy sa kanyang condo/apartment sa Beverly Hills at nag-dinner kami.
Isang mainit at mahigpit na yakap ang aming tinanggap kay Guy nang ito’y aming sunduin sa kanyang apartment.
Habang kumakain, naging bukas ang aming kuwentuhan sa maraming bagay na may kinalaman sa kanya. Halos mangiyak-ngiyak siya habang nagkukuwento sa mga karanasan niya sa Amerika na pawang hindi magaganda. Hindi niya ikinaila na hindi maganda ang kanyang estado roon at umasa siya sa mga taong tumulong sa kanya.
Hindi rin niya ikinaila ang pagkakaroon niya ng utang sa ilang tao roon. Gusto man niyang makabawi, kadalasan, ang mga taong kanyang nakaka-deal doon na kumukuha ng kanyang serbisyo ay niloloko umano siya. Dahil wala siyang tumatayong manager sa Amerika, direkta siyang kausap.
Sa umpisa umano ay maganda ang usapan pero sa kalagitnaan ay madalas daw nagkakaroon ng problema at aberya. Madalas umano siyang nasusuba sa bayaran pero ang ending ay parati siya ang pinapalabas na masama at may kasalanan. Sa isang pagkakataon, isang producer ang nagbayad sa kanya ng $10,000 dollars check bilang down payment para sa show na kanyang gagawin pero ito’y tumalbog kaya nagsitalbugan din ang mga check payments na kanyang na-issue para sa mga utility bills.
Aminado si Guy na hindi naman lahat ng mga show o concert producers sa Amerika ay balasubas sa bayaran dahil meron din naman umanong matitinong producers. Pero nagkakataon na madalas umano siyang naloloko.
Inamin din sa amin ni Guy na hulog ng langit sa kanya ang muli nilang pagku-krus ng landas ng kanyang dating leading man sa pelikulang The Singing Filipina, ang dating Indian actor-turned businessman na si Sajid Khan dahil ito ngayon ang tumutulong sa kanya.
Nagkataon lamang na kasalukuyang maysakit si Sajid kaya bilang pagtanaw ng utang na loob ay si Guy mismo ang personal na nag-aalaga rito.
Masayang ipinakita sa amin ni Guy ang kanyang newly-acquired greencard at kapag maayos na ang lahat ng kanyang problema ay nagbabalak siyang umuwi sa Pilipinas sa isang taon. May standing offer kay Guy para sa kanyang comeback concert na gagawin sa Araneta Coliseum next year at kung magma-materialize, meron ding isang international company ang nais kunin ang kanyang serbisyo bilang isang celebrity endorser.
Aminado si Guy na kung ang kanyang singing at acting career ang pag-uusapan ay dapang-dapa umano siya ngayon pero positibo ang kanyang pananaw na siya’y makakabangon balang araw.
“Ang hirap lang sa marami sa atin, dapang-dapa ka na, sinisipa ka pa. Aping-api ka na, lalo ka pang inaapi. Sa halip na tumulong, lolokohin ka pa,” malungkot na pahayag ni Guy.
Although patuloy pa rin siyang nagsu-show sa Amerika, hindi niya ikinakaila na nami-miss niya ang pag-arte at umaasa na muli siyang makakagawa ng magagandang pelikula tulad ng ginawa ng kanyang kumareng si Vilma Santos, ang In My Life na nagkaroon ng successful movie premieres sa Amerika.
Nang kumustahin namin ang kanyang good friend na si John Rendez, nasa San Francisco umano ito ngayon at nag-aaral bilang isang security guy.
Si John umano ang taong hindi nang-iwan sa kanya kahit nasa gitna siya ng krisis ng kanyang buhay.
Samantala, masayang ibinalita sa amin ni Guy na magkikita sila ng kanyang anak na si Lotlot sa linggong ito na manggagaling sa New York. Matagal ding hindi nagkita at nag-usap ang mag-ina at kitang-kita namin ang excitement sa mukha ni Guy sa pagkikita nila ng kanyang panganay.
(May karugtong bukas)
- Latest