Aktibistang singer may Byahe
MANILA, Philippines - Naalala n’yo pa ba ang Kanlungan? Ang kantang ginamit na jingle sa isang hamburger chain na may linyang “pana-panahon ang pagkakataon”?
Hindi naging sikat ng kanta ang nasa likod nito, ang singer-composer na si Noel Cabangon, na ’80s pa lang ay nasa eksena na ng musika dahil sa grupo niyang Buklod.
Ang musika niya ay nangungusap sa mga bagay na artistic, socio-political, at environmental at upang patunayan ang halaga ng mga ito, miyembro siya ng Akbayan, Amnesty International, at Greenpeace.
Nirerespeto si Noel sa industriyang ginagalawan dahil sinsero ang mga adhikain niyang lumalabas sa musika. Katulad ng kantang Tatsulok na ginawa niya noong nasa Buklod pa siya at ngayon ay muling ipinaabot ng bandang Bamboo sa kabataan.
Ngayon ay muling aktibo sa recording scene ang beteranong mang-aawit ng makabuluhang kanta sa pamamagitan ng Universal Records. Kamakailan ay inilabas niya ang 15-OPM track CD na Byahe na ipinrodyus niya at ni Ito Rapadas. Pinagsama niya ang mga hits noong ’70s at ’80s at may tatlo pang original compositions na nakipagtulungan sina Chito Miranda ng Parokya ni Edgar at Aia De Leon ng Imago.
Ang ilan sa mga popular na awitin na nasa Byahe ay ang Pagbabalik (Asin), Tao (Sampaguita), Pinay (Florante), Kay Ganda ng Ating Musika (Hajji Alejandro), Kung Kailangan Mo Ako (Rey Valera), Dito sa Kanto (kasama si Chito), Kanlungan (kasama si Aia), at marami pang iba.
- Latest