Libing ni Jacko parang sa hari
LOS ANGELES – Umaabot umano sa isang milyong dolyar ang nagastos sa pribadong libing ng yumaong King of Pop na si Michael Jackson.
Sinasabing batay sa record na nakuha sa korte, para sa isang hari ang naging libing ni Jackson na ginawang pribado ng kanyang pamilya.
Lumilitaw din na madalian ang paglilibing kay Jackson noong Setyembre 3 bagaman noon pang Hunyo namatay ang singer at ginawan siya ng malaking public tribute sa Staples Center sa Los Angeles noong Hulyo.
Nabatid na, tatlong araw bago inilibing si Jackson, nagsampa ng legal request sa kanyang estate administrator ang mga abogado ng kanyang ina para mabayaran ang punerarya at ang Glendale Police Department.
Nagbabala sila na hindi matutuloy ang libing noong Setyembre 1 kung hindi mababayaran ang punerarya.
Nagbabala pa ang mga abogado na higit na kahihiyan ang aabutin ni Katherine Jackson at ng buong pamilya nito kung hindi sila makakabayad.
Walang indikasyong tumutol ang administrador ng mga ari-arian ni Jackson pero inaprubahan nito ang pagbabayad sa lahat ng gastusin sa libing nito.
Sinasabing $1 milyon ang inaprub ng administrador na nagsabing dagdag pa ito sa ginastos sa tribute sa Staple Center na inaprubahan naman ng korte. (AP)
- Latest