Pops pinataob na ni Sarah sa pagiging concert queen
MANILA, Philippines - May kapalit na talaga si Pops Fernandez sa trono ng pagiging concert queen. Last Saturday night, napuno uli ni Sarah Geronimo ang Araneta Coliseum para sa kanyang Record Breaker concert.
Apat na taong sunud-sunod na napuno ni Sarah G. ang Big Dome. Iilan na lang ang nakakapuno sa nasabing venue particular na sa local singers.
Dahil yata sa rami ng tao kaya may first aid booth na biglang nagsulputan sa Araneta.
Baka nga naman kasi may himatayin or magkaroon untowards incidents. Pero buti naman at wala.
Maraming mga bata ang nanood. From two years old yata yun. Yung nasa harapan, hindi pa halos nag-uumpisa, nakatulog na ang bagets na noong una ay pumapalakpak pa.
Mula bata hanggang forgets, nasa Araneta yata ng gabing yun. Yung isang lolo, inaalalayan ng apo yata niya. May naka-wheelchair pang nanood.
Maraming masa sa audience pero marami ring madadatung. Mga sosyal na mga kuntodo porma bitbit ang kanilang mga pamilya.
Sayawan agad ang umpisa ng Record Breaker. Dance to death si Sarah sa unang kanta niyang Record Breaker. Magaling na siyang gumiling in fairness at maganda na ang korte ng katawan.
Nag-play ng violin si Jay Cayuca bago pumasok si Sarah G.
Apat na kanta ang opening niya na lahat hataw sa pagsayaw. Sa sobrang hiyawan lang ng mga fans kaya halos masapawan ng lakas ng sigawan ang boses ng singer/actress.
Pagkatapos ng sayawan, nag-senti siya sa Right Here Waiting for You.
Unang guest niya si Christian Bautista na ang daming kinanta. Hindi na namin nabilang pero medley ng mga kanta ni Jose Mari Chan na ni-revive niya sa kanyang album.
Nagpalit na si Sarah ng second outfit - white dress na may feathers sa dulo na gawa ni Rhett Eala.
Ang Pop Girls ang sunod na guest. Kumanta sila ng Nobody kasama si Sarah G. Bagong alaga pala ito ng Viva at mukhang may potential sumikat.
Pagbalik niya ng stage, binati ni Sarah si Regine Velasquez na nasa audience. Hindi raw siya makapaniwala na pinapanood siya ng isang Regine Velasquez.
Anyway, hindi ko alam ang title pero parang about a broken heart ang sunod niyang kanta. Sinundan yun ng Sa Iyo na naiba ng tono at doon kumindeng-kindeng si Sarah G.
Pero grabe pa rin ang impact ng tambalan nila ni John Lloyd Cruz.
Nang kantahin niya ang A Very Special Love and You Changed My Life, grabe ang sigawan ng mga tao.
Eh may video clips pang ipinalalabas ng pelikula nila so super tilian talaga. May super laking monitor kasi sa stage kung saan pinapakita ang mga title ng songs niyang iba at mga bonggang achievements.
Bumaba siya ng stage habang kinakanta niya ang You Changed My Life. Nilapitan niya si Regine. Pero halos ‘di na siya makalakad dahil sa rami ng tao sa Patron section pero nilapitan siya ng songbird at sinabitan siya ng pearl necklace.
Pero nakarating pa siya hanggang sa kinauupuan nina Anne Curtis, Nikki Gil, Yeng Constantino, Iya Villania, at Rayver Cruz. Sigawan tuloy ang tao ng pangalan ni Rayver.
At bago siya nakabalik sa stage, dumaan siya sa nanay ng manager niyang si Mr. Vic del Rosario. Nagbulungan pa sila at tinatanong yata siya ni lola kung sino na ba talaga ang nasa puso niya kaya sigawan ang buong Araneta.
Enter Charlie Green. Change outfit na rin dito ang bagong concert queen.
Small but terrible kung bumanat ng old songs si Charlie. Duet sila sa Someday hanggang mag-solo si Charlie ng For Once In My Life and Dahil Sa ‘Yo.
Bongga na ang sumunod na production ni Sarah. Binigyan na niya ng tribute ang namayapang si Michael Jackson. Apat na kanta ni MJ ang binanatan ni Sarah – One Day In Your Life, Ben, I’ll Be There at isang danceable song na hindi na ma-recall ang title.
Husay din kasing humataw sa sayawan ni Sarah. Magaling na sa biritan, magaling pang sumayaw, na lamang niya sa maraming singer na kapanabayan niya. Pero pagkatapos naman nung last number niyang Michael Jackson, hiningal siya ng konti at nagpasintabi na iinom daw muna siya ng tubig.
Paulit-ulit sa spiels niya ang pasasalamat sa Diyos at sa lahat ng fans niya na sabi nga alam niyang nagtipid para lang makapanood ng Record Breaker.
Heto na, pumasok na sina Billy Crawford, Vhong Navarro, and Luis Manzano na bumuo sa line up ng guest niya.
Ang kukulit nila at talagang inaasar si Sarah.
Kilalang member ng Kanto Boys ang tatlo at pang-apat si John Lloyd Cruz. Pero wala ito sa nasabing concert. Umabot sa biruan na may nagpanggap na John Lloyd.
Nakakaaliw ang mga lokohan nila. Buhay na buhay ang audience kahit alas-11:00 na ng gabi.
Medley ng Streetboys ang binanatan ng apat na kantahin. Nakipagsabayan si Sarah G. sa sayawan sa tatlo.
After ng Streetboys nag-solo ang tatlo – two songs. Pero maraming naaliw sa kanila nang sumayaw sila ng Single Ladies. Patok sa audience.
Pagkatapos ng tawanan kasama ang tatlo, lumabas si Sarah na naka-gown, gawa ni Cary Santiago na Swan Lake-inspired turtle outfit in black and white with quilted details.
Kinanta niya ang Sana’y Ikaw Na Nga. Sunod ang Sana Ngayong Pasko na nakikanta ang buong Araneta.
Doon niya sinabi na ang showbiz ay parang isang telenovela. Paikut-paikot. Nakakatawa, nakakalungkot, nakakapagod, nakakalula.
Pagkatapos ng video presentation kinanta niya lahat ng hit songs niya sa previous album like Forever Is Not Enough and To Love You More.
Finale song ang The Climb ni Miley Cyrus at lumabas uli si Jay Cayuca para samahan siya.
Pero kahit alas-dose na, hindi pumayag ang audience na hindi siya mag-encore. So bumalik siya at kinanta ang Boom Boom Powww at Record Breaker uli.
Walang nag-alisan hanggang sa matapos ang concert ni Sarah.
Ito na yata ang pinaka-bonggang concert ni Sarah.
Maganda ang stage at ang sound effects. Pati boses niya gumanda sa nasabing concert.
Pero grabe ang daming sponsors ng concert na kinantahan pa niya.
Napatunayan na niya na hindi lang pam-pelikula ang hatak niya. Siya na rin ang concert queen at pinakasikat sa kasalukuyang generation ng mga artista.
- Latest