Mga artista dinarayo ng COMELEC
MANILA, Philippines - Tumugon ang Kapamilya stars sa tawag ng pagbabago para sa darating na 2010 halalan nang sila ay magpa-register para bumoto sa isang espesyal na voter registration na isinagawa ng ABS-CBN Broadcasting Corporation sa pakikipagtulungan sa Commission on Elections (COMELEC).
“Ang special voter registration na ito ay naglalayong himukin ang mga tao na mag-register at gamitin ang karapatan nilang bumoto,” sabi ni Bong Osorio, Head ng ABS-CBN Corporate Communications Division.
Ilan sa Kapamilya stars na nagpa-register ay sina Rayver Cruz, Rodjun Cruz, Cass Ponti, Princess Ryan, Josef Elizalde, Cris Pastor, Pokwang, Valerie Concepcion, Erik Santos, Mark Bautista, Angelica Panganiban, Shaina Magdayao, Nikki Gil, Enchong Dee, Mariel Rodriguez, Kim Chiu at Diether Ocampo.
“Now, more than ever, kailangan nating kumilos. Wala ng ibang gagawa nito kung hindi tayo,” sabi ni Nikki Gil ng Nagsimula sa Puso.
“I can say na may karapatan na akong magreklamo kasi before, di naman ako voter. Ngayon mararamdaman ko na na may kontribusyon ako sa bayan na ito.”
Para sa Katorse leading man Enchong Dee, laging may pag-asa ang bayan hangga’t ang mga tao ay may pakialam, kaya naman hinihimok ni Enchong, lalo na ang kabataan na magparehistro at bumoto.
“Sana lahat magparehisto na at bumoto. At kapag bumoto kayo, siguraduhin niyong karapat-dapat na lider ang pipiliin n’yo. Isipin natin ang kapakanan ng nakararami,” sabi ni Enchong.
Ang espesyal na voter registration na ginawa sa ABS-CBN ay bahagi rin ng malawakang kampanya para sa 2010 halalan ng ABS-CBN, ang Boto Mo, iPatrol Mo: Ako ang Simula, na naglalayong himukin ang mga bagong botante na magparehistro at makipagtulungan sa taong bayan para masiguradong malinis at maayos ang darating na eleksiyon.
Sa Oct 31 na ang huling araw ng pagpaparehistro. (KC)
- Latest