Bubble Gang paaabutin ng dalawang dekada?
MANILA, Philippines - Ang bilis ng panahon. Mahigit isang dekada na pala ang Bubble Gang. Umabot pa kaya sila ng ikalawang dekada - 14 years na kasi sila ngayong taon. Eh bakit may balitang tsutsugiin na ito dahil may sawa factor na.
Oh baka naman paabutin sila ng dalawang dekada?
Well, may proof naman ang kanilang mahabang taon sa ere. Patunay ang mahabang listahan nito ng mga walang-kaparis na gags at commercial spoofs na ikinasasakit ng tiyan natin sa kakatawa, maging ang mga orihinal na karakter na nilikha at pinasikat nito sa loob ng nakalipas na 14 na taon. Dito nga nakilala sina Yaya at Angelina na naging pelikula pa.
Ngayong Oktubre, ang kanilang celebration at tatlong mga nakakatawang pelikulang pantelebisyon ang ipapalabas ng BG sa October 23 at 30.
Ang primer na pinamagatang 14 Going Steady ay magbibigay ng mga behind the scene footages sa paggawa ng tatlong pelikulang pang-telebisyon na ipalalabas sa susunod na linggo.
Bukod dito, sasariwain din nila ang nakalipas na 14 na taon ng Bubble Gang – mula sa pagbuo nito noong 1995 hanggang sa ito ay naging sikat na gag show, ang mga kakaibang trends at craze na kanyang pinasikat at ang naging impluwensiya nito sa pop culture ng Pilipinas.
Ibabahagi rin ang ilan sa mga nakatutuwang trivia tungkol sa ilang segments ng BG at mga komentaryo ng ilang sikat na artista, manonood, at mga dating Bubblers tungkol sa show.
Magsisilbing highlight din ng gabi ang isang funny at kinky interview na isinagawa ng 14 Going Steady host na si Paolo Bediones kasama ang buong BG cast na pinangungunahan nina Ogie Alcasid, Michael V., Wendell Ramos, Antonio Aquitania, Rufa Mae Quinto, Francine Prieto, and Maureen Larrazabal.
Ang tatlong pelikula naman na pagbibidahan ng BG cast at celebrity guests na sina Dennis Trillo, Iza Calzado, Julia Clarete at Ms. Regine Velasquez ay mapapanood sa susunod na Biyernes, October 30.
Isang horror movie, isang Koreanovela remake at isang sexy comedy ang isinulat ng BG creative team at pioneer cast member nitong si Michael V.
* * *
Dahil sa isinabuhay na kuwento sa Bud Brothers series ng Precious Hearts Romances, nabuo ang isang love team na talagang may kilig, nagbabalik sina Guji Lorenzana at Kaye Abad sa panibagong istorya ng pag-ibig tuwing hapon sa Precious Hearts Romances Presents Somewhere in my Heart sa ABS-CBN.
Matatandaang idineklara ni Guji na type niya ang dalaga kaya naman kitang-kita ito tuwing tinitingnan niya si Kaye. Ang dalaga naman ay hindi maitago ang kilig tuwing kasama ang gwapong aktor.
Malaki ang pasasalamat nina Guji at Kaye sa kanilang mga taga-suporta nang mapanood sila sa naturang tambalan. May ilang nag-post ng kanilang comments sa mga forum at websites. “Wow, I’m hooked with this two. Their chemistry is amazing and unexpected. They make me squeal with their moments. Channel 2 should take a second look at this team-up, sobra ang potential!!! Galing! may chemistry talaga!”
Maging ang director nito ay aminadong kitang-kita ang natural na chemistry ng dalawa, on and off cam. “Bagay kasi sila, physically tapos yung personalities din nila, swak.” Nang tanungin kung more than friends sina Guji at Kaye, natatawang sagot ni direk Cathy, “Hindi ko alam.”
Sa ilalim ng direksyon ni Cathy Garcia-Molina. (SVA)
- Latest