Singer nangharbat ng kutsara't tinidor sa isang party
Hindi malilimutan ng manager ang karanasan ng kanyang alagang singer nang minsang maimbitahan sila sa isang engrandeng party sa isang mansyon.
Lima silang mang-aawit na imbitado ng may-ari na super yaman.
Matapos kumanta at kumain ay nakatuwaan ng isang female singer na mag-uwi ng mga silverwares (kutsara at tinidor) dahil nagandahan siya sa mga ito.
Heto na ang siste. Sabay-sabay ang mga singers kasama ang manager sa isang van. Habang tumatakbo ang sasakyan ay biglang nagpreno ang driver at ang mga naharbat na kutsara’t tinidor ay nagtalsikan mula sa bag ng singer kaya nagtinginan ang bawat isa.
Panghaharbat ba yun? Napahiya ang female singer at sinabing souvenir lang naman ang mga yun habang pinupulot isa-isa ang mga kubyertos.
Iyan naman ang sinasabi o alibi ng mga nangunguha ng gamit sa iba’t ibang okasyon ’di ba? Souvenir lang!
* * *
Nagbigay ng tulong si Apl.de.Ap ng Black Eyed Peas sa mga sinalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng. Nalungkot siya sa nakitang mga biktima ng nasabing bagyo dala ng matinding pagbaha.
Nagsimula na si Apl.de.Ap ng kanyang Jeepney Music label sa Pilipinas para pahalagahan ang turismo sa pamumuno ni Department of Tourism (DOT) Secretary Ace Durano.
Inilunsad ng DOT ang bago nilang campaign, Biyaheng Pinoy with Apl sa pakikipagtulungan sa MTV Asia. Kabilang sa proyekto ang music video na Take U to the Philippines na handog ni Apl bilang complimentary sa DOT campaign. Isinulat nito ang lyrics with suggestions from Sec. Durano para maipakita ang lahat ng magagandang tanawin sa bansa.
* * *
Tinanggap ng mga hosts na sina Carmina Villaroel, Janice at Gelli de Belen ang 2009 Catholic Mass Media (CMM) Awards para sa SiS bilang best talk show. Tunay namang makabuluhan ang mga paksang tinatalakay dito at kapaki-pakinabang din ang ibang segment ng show.
Namamayagpag pa rin sa ratings ang SiS sa pagdaan ng maraming taon.
- Latest