Mark napipikon na sa komedyanteng nanghihingi ng balato
Na-forward sa amin ang text message kay Mark Herras ng isang comedian na halatang galit sa diumano’y ‘di pagtupad ng actor sa napag-usapan na ibibigay sa grupo ng comedian na natalo ng grupo nina Mark sa Hole in the Wall.
Nangako yata si Mark na sa P3.2 million na kanilang napanalunan, ibibigay ang P1.2 million sa losing team ng comedian, kaso hindi pumayag ang ka-team ni Mark na sina Rainier Castillo at Janna Roxas at binalatuhan na lang ang grupo ng comedian.
Sabi sa latest text message ng comedian kay Mark : “Brother, ‘di ka pala magandang kausap, wala ka palabra…marami din nakarinig at nakakita sa pag-uusap ng harapan…’di ko akalain na mababastos ako ng ganito. ‘Di mo ako nirespeto…panu kung nabaligtad ang pangyayari, ano mararamdaman mo at n’yo? Kalungkot isipin na nagpakasira at nakilala ko pagkatao n’yo ng dahil sa materyal na bagay…maliit mundo magkikita pa naman tayo.”
Magkikita nga sina Mark at ang comedian na kapatid ng isa ring comedian dahil talent din ito ng GMA 7. Nangyari na ito sa ibang artistang nananalo at nangangakong hahatian ang nakalaban na ‘di nasusunod. Ang lesson, ‘wag nang mangako lalo’t ‘di alam ng ka-team mo. Saka, matuwa na ang mga talunan kung mababalatuhan. Malaking malaking halaga rin ang P1.2 million at hindi naman naghirap ang grupo ng comedian.
Napipikon na si Mark at feel nang patulan ang comedian, napipigil lang ng mga kaibigan dahil siya ang masisira’t mas may career siya. Sa ginawa ng comedian na pang-aaway kay Mark, hindi siya puwedeng isama sa Ikaw Sana nina Mark at Jennylyn Mercado.
Incidentally sa Ikaw Sana mamaya, galit at sisisihin ni Sofia (Pauleen Luna) si Eliza (Jennylyn) kung bakit nawala sa kanya si Michael (Mark).
* * *
Sa closeness at sweetness ngayon nina Richard Gutierrez at Cristine Reyes, mabuti at walang BF ang actress na magseselos, ewan lang namin sa kaso ni Richard. Hindi lang sa Thanksgiving presscon nila na bigay ng GMA Films at Viva Films sila sweet, pati sa relief operation na pinamunuan nila sa San Isidro Labrador Parish sa Nangka, Marikina, ‘di rin sila naghihiwalay at laging magkadikit at naghihintayan.
Hindi man nakaakbay si Richard sa balikat ng kapareha sa Patient X at ‘di nakahawak sa waistline nito, magkadikit naman sila at napansin naming tila normal na lang sa kanila na nakapatong ang braso ni Cristine sa hita ni Richard. Lagi ring nakatitig ang actor sa actress na mukhang sanay na at ‘di na nako-conscious.
Hindi kami magugulat kung magkaka-inlaban ang dalawa kahit sinasabi ni Richard na kinu-comfort lang niya si Cristine. Matagal na silang magkakasama dahil sunud-sunod ang promo ng Patient X na sa October 28, pa ang showing.
Kasama nina Richard at Cristine sa relief operation sa 2,000 families ang Royal Era talents na sina Ehra Madrigal, Ana Roces, Almira Muhlach, Ynna Asistio, Bubbles Paraiso, Raymond Gutierrez, Tracy Garcia at Annette Gozon-Abrogar ng GMA Films at Nadia Montenegro.
* * *
Kabilang si Ehra Madrigal na sumama sa relief operation nina Richard Gutierrez at Cristine Reyes. Nauna rito, nag-donate na rin sila ng kanyang mga kaibigan ng relief goods sa PNRC sa office nito sa Shaw Blvd. Tumulong din siya sa pagre-repack sa GMA Kapuso Foundation bilang pasasalamat na rin na walang nangyari sa kanya at kanyang pamilya.
Pinansin namin ang pagpayat ni Ehra, pero kulang pa raw ng 8 lbs. dahil mataba pa rin siyang tingnan sa Darna at kailangan pang magpapayat.
Tuwang-tuwa si Ehra sa role niya bilang Babaing Lawin sa Darna dahil ‘di lang puro lipad at pakikipag-away kay Darna ang gagawin niya. Madrama ang back story ni Armida bago naging Babaing Lawin at madidiskubre ang relasyon niya kina Fr. Mateo (Eddie Garcia) at Perfecta (Celia Rodriguez).
- Latest