Ara Mina ayaw nang magmura
Halos mapaiyak si Ara Mina nang abutin ng baha ang bahay ng pamilya niya sa Provident Village sa may Marikina. Kinailangang umakyat ng bubong ang kanyang ina at mga kapatid, kasama na si Cristine Reyes, para hindi malagay sa panganib ang kanilang buhay. Pero nang patuloy na lumalaki na ang tubig ay tinawagan na nila si Ara Mina para hingan ng tulong. Medyo may kataasan ang bahay nito (Ara) kaya, makakatawag ito ng tulong, hindi gaya nila na hindi makaalis ng bubong hangga’t walang dumarating na tulong.
May mga tinawagan naman si Ara pero, kailangang ng sasakyan na makakatakbo sa tubig at ito ang nahirapan siyang hanapin. Napapaiyak na rin si Ara nang ma-interview sa radyo dahil wala siyang magawa. Maggagabi na at alas-onse pa ng tanghali nang umakyat ng bubong ang kanyang pamilya. Naghihintay din siya ng tulong pero nagawa na niya ang dapat.
Tumawag na siya ng tulong at ang kailangan na lamang niya ay maghintay.
Samantala, on the lighter side, pakiramdam ni Ara ay nata-typecast na siya sa pagiging kontrabida. Hindi naman siya makatanggi dahil trabaho ito at sa panahon ngayon na taghirap, marami ang nangangailangan ng mapagkakakitaan.
“Challenging maging salbahe. Iniisip ko pa ng mabuti kung paano ko gagampanan ang role, hindi naman kasi ako salbahe in real life. Hirap na hirap ako lalo’t kailangan kong manapak ng bata,” sabi niya
Nagsimulang maging salbahe si Ara sa seryeng Dapat Ka Bang Mahalin na nagtatampok sa loveteam nina Aljur Abrenica at Kris Bernal.
“Marami ang nagko-kontrabida ngayon kaya iniiba ko ang atake ko, ayaw ko nang nagmumura,” dagdag pa ng seksing aktres na isa na namang kontrabida sa Tinik sa Dibdib, isa sa dalawang bagong serye ng GMA 7 na magsisimulang umere sa hapon ng Set. 28.
Sa mga movies niya, palaging nang-aagaw ng lalaki si Ara, but in real life, may lovelife si Ara sa isang non-showbiz guy. Mag-iisang taon pa lamang ang kanilang relasyon. Nagsisimula pa lamang nilang makilala ang isa’t isa.
Plano niyang mag-asawa sa edad na 33. Kung sa panahong ito ay hindi pa nagpo-propose sa kanya ang lalaki, mag-iisip-isip na siya.
Balak din ni Ara na tumakbo sa eleksiyon sa 2010.Gusto niyang maging konsehal sa ikalawang distrito ng QC.
Dito rin tatakbo para sa kapareho ring posisyon si Alfred Vargas. Pero hindi nag-aalala si Ara, lima namang konsehal ang kailangan sa kanilang distrito.
* * *
Ang kandidata ng Ms. Psalmstre ang naging 1st runner-up sa ginanap na Ms. Cosmetics Fair 2009, sa isang pageant and coronation night na siyang naging highlight ng 3-day cosmetics fair ng Chamber of Cosmetics Industry of the Phlippines (CCIP).
Labindalawa ang naglaban-laban para sa titulo pero simula pa lamang ng pageant ay paborito na si Candidate #2 na si Ms. Psalmstre nga.
May taas na 5’ 11”, nakuha ni Jea-Ann Finuliar ang Best in Long Gown, Girl of the Night awards.
Ang Psalmstre, gumagawa ng New Placenta, Olive C at Glutamin beauty products ay naging isa rin sa exhibitor sa cosmetics fair.
- Latest