Kahit bigyan ng jet at yate: Lolit Solis ayaw kay Willie para kay LT
Naaliw ako sa comment ni ‘Nay Lolit Solis na kahit bigyan pa siya ng yate at jet ni Willie Revillame, hindi siya pabor na maging dyowa ito ni Ms. Lorna Tolentino.
Napaka-ilusyunado naman daw ni Willie. Sana raw ay tumingin muna ito sa salamin at tanungin ang sarili kung kamukha siya ng namayapang si Rudy Fernandez.
Ang nangyari pala, binalewala ni Ms. LT ang pagpapadala ng kontrobersiyal TV host ng mga bulaklak at prutas at kung anik-anik pa dahil noong panahong may sakit si Kuya Daboy, naging mabait naman ito sa kanilang mag-asawa dahil nagpapadala nga ito ng mga bulaklak at pagkain. So ang impression daw ni LT, wala lang ‘yun at itinuloy lang nito ang pagiging mabait sa kanya at nakikiramay lang.
Pero biglang lumabas na nanliligaw na pala ang suspendidong TV host.
* * *
Iniilusyon din pala ni Precious Lara Quigaman si Piolo Pascual. Yup, kahit nga sinabi niyang ‘almost there’ na ang relasyon nila ng aktor na si Marco Alcaraz. “Sino ba naman ang hindi mag-iilusyon kay Piolo?” balik-tanong ng beauty queen kahapon para sa story conference ng gagawin niyang digital film na Buenavista (Ang Kasaysayan ng Lucena) na magsisimulang mag-shooting next week.
Pareho kasi sila ng personality ni Marco. Ang akala ng lahat na tahimik, makulit pala siya sa totoo lang, kaya nagkasundo sila ng aktor.
At kahit anong ganda ni Lara, wala pa sa kanyang nakaka-kumbinse na mag-pose ng sexy sa calendar or sa magazine. Kabaliktaran sa ginagawa niya yun. “Personal reason. Parang nagtuturo ako sa mga bata, tapos makikita nilang nagpapa-sexy ako sa magazine or sa calendar. Saka ’pag malaki na ang boobs ko,” katuwiran niya. Pero biro lang daw ang paglaki ng boobs dahil wala naman siyang planong magpadagdag ng boobs.
Anyway, kasama ang Buenavista sa mga highlights ng pagdiriwang ng ika-50th anibersaryo ng Lucena bilang isang lungsod sa taong Agosto, 2011.
Susubukan ng pelikulang ito ang pagsasadula at pagsasalarawan ng mga importanteng pangyayari sa kasaysayan ng Lucena mula nang ito ay itinatag bilang isang baryo ng bayan ng Tayabas noong 1580, hanggang sa panahon ng paghihimagsik laban sa mga Kastila noong huling dekada ng 1890’s.
Isinulat at ididirihe ni Felino Tañada, isang indie film director na tubong Lucena, ang Buenavista ay pinangungunahan ng beteranong si Eddie Garcia at Delia Razon with Precious Lara, Luis Alandy, Neil Ryan Sese at maraming Lucenahin na myembro ng lokal na ‘theater groups.’ Gaganap din ng importanteng papel ang mga respetadong aktor na sina Ricky Davao at Roy Alvarez.
Ang Buenavista ang una sa mga nakalinya na proyekto na gagawin ng BJB Productions, isang bagong tatag na production company.
- Latest