Chavit Singson mas gustong sunugin ang pera
Napaiyak si Alyssa Alano sa phone-patch interview namin kahapon sa kanyang Australian half-sister na si Sandra Lee- Carcar.
Touched si Alyssa dahil hindi nito inaasahan na mako-contact ng Startalk staff ang kanyang kapatid na nangako na pupunta sa Pilipinas sa November 2009 para magkita at magkakilala sila.
I’m sure, naiyak din si Alyssa dahil natakot siya na baka hindi sila magkaintindihan ng kanyang kapatid na Inglisera.
Proud na proud si Sandra dahil sisters sila ni Alyssa. Tatlong araw na nag-surf sa Internet si Sandra dahil binasa niya ang lahat ng mga balita at pinanood ang mga video tungkol kay Alyssa. Happy daw siya dahil maganda at artista sa Pilipinas ang kanyang kapatid.
Excited na si Alyssa na magkaharap sila ni Sandra. Ipapasyal daw niya ang kapatid sa Boracay, Baguio at Tagaytay.
* * *
Si Marvin Sonsona ng General Santos City ang nag-win kahapon sa WBO Junior Bantamweight Championship sa Canada. Tinalo niya si Jose “Carita” Lopez.
Hindi pa masyadong kilala si Marvin na 19 years old pa lamang. Tuwang-tuwa siya sa kanyang tagumpay.
Bakit ko ikinukuwento ang success ni Marvin sa boxing? Pareho sila nina Manny Pacquiao at Nonito Donaire, Jr. na nagmula sa General Santos City.
Mahuhusay sa boxing ang mga lalake ng Gen. Santos City. Ano ba ang kinakain nila? Ano bang meron sa Gensan dahil dito nanggagaling ang mga champion sa boxing?
* * *
Pinangalanan ng ABS-CBN ang boyfriend ni Che Tiongson. Richard Catral ang name ng mhin na hindi pa nalalaman ang kinaroroonan mula nang pumutok ang balita na inumbag-umbag siya dahil nahuli sila ni Papa Chavit Singson, ang common-law husband ni Che.
Ang sabi naman ng kaibigan ni Richard, maayos na ang lagay nito kaya hinihintay ng mga reporter ang kanyang paglantad at ang kuwento niya sa mga tunay na nangyari noong mahuli siya ni Papa Chavit.
Nagsalita na rin ang tatay ni Cogie Domingo dahil nadadamay nga ang name ng kanyang anak.
Mismong si Papa Chavit ang nagsabi na nakarelasyon din ni Che si Cogie. Nagsalita ang tatay ni Cogie na haharapin nito ang isyu.
* * *
Pinagkaguluhan si Papa Chavit ng media sa premiere night ng Pangarap Kong Jackpot noong Biyernes ng gabi.
Si Manny Pacquiao ang bida ng pelikula ni Papa Carlo Caparas pero si Papa Chavit ang ininterbyu ng mga reporter.
Hindi naman naging maramot si Papa Chavit. Nagpainterbyu siya sa mga TV reporter tungkol sa kaso nila ni Che.
Matagal-tagal pa ang itatakbo ng kaso dahil palaban si Papa Chavit. Napanood ko ang sinabi niya sa TV na nangunguwarta lang si Che. Hinding-hindi raw niya bibigyan ng datung si Che dahil mas gugustuhin niya na sunugin na lang ang kanyang mga pera.
Nakoo Papa Chavit, huwag na huwag kang magsusunog ng pera. Sayang ang datung. Ibigay mo na lang sa akin. Ipapangako ko sa’yo na iingatan ko ang mga kadatungan mo, basta mag-promise ka na wala kang ibang hihingin na kapalit!
- Latest