2 bagong Asianovela nagpapakilig
MANILA, Philippines - Sinimulan ng GMA 7 ang dalawang bagong Asianovelang tiyak na nagpapakilig sa manonood – ang Shining Inheritance at Game About Love.
Tampok sa Shining Inheritance ang isang mala-fairy tale na kuwento na kakalabit sa inyong mga puso. Ang No. 1 Korean drama ng 2009 ay pagbibidahan ng isang dalagang nabalot ng pagdurusa at pang-aapi ang buhay ngunit nangahas maging masigasig upang isalba ang kasiyahan ng kanyang pamilya.
Nagsimula ang kuwento kay Inna (Han Hyo Joo), ang matapang na Cinderella. Matapos mamatay ang kanyang ama, ninakaw ng kanyang malulupit na stepmother at stepsister ang kanyang insurance money kung kaya’t napilitan siyang lisanin ang bahay na kinalakihan.
Dagdag pa sa kanyang pasanin ang pagkawala ng autistic niyang kapatid na si Nono dahil sa isang lalaking nakapalitan nito ng bag sa airport. Sa kabila ng mga problema, hindi mawawala ang kanyang ginintuang puso, at magpapatuloy siya sa pagsisikap. Aalagaan pa niya ang isang matandang babae na mayroong temporary amnesia.
Sa hapon naman, kikiligin ang manonood sa romantic-comedy series na Game About Love, tampok ang pagbabalik ng kawili-wiling si Jo-Chen ng Frog Prince at Fated to Love You.
Gagampanan ni Jo-Chen ang papel ni Lalaine, ang object ng laro ng dalawang napakakulit na mga lalaking sina Benjo, isang mayamang pilyo at Ivan, isang romantikong pintor. Nagsimula ang laro ng pag-ibig sa pagkakasaklolo ng isang hindi kilalang babae na si Lalaine kay Benjo at Ivan na nakulong sa isang studiong nasusunog.
Natutunghayan na ang dalawang kuwentong puno ng pag-ibig at pag-asa - ang Shining Inheritance pagkatapos ng Survivor Philippines at Game About Love pagkatapos ng Kung Aagawin Mo Ang Lahat sa Akin sa GMA Network.
- Latest