Ong Bak 2 aaksiyon sa August 19
MANILA, Philippines - Maaari bang pagsamahin ang kagandahan at lambot ng katawan sa pagsasayaw at ang matitigas na suntok ng Thai boxing? Sa bagong action movie na Ong Bak 2, makikita ang bagong style ng martial arts na ito. Magbubukas na sa mga sinehan simula sa August 19.
Sa Ong Bak 2, lumaki si Tien sa isang nayon kung saan pinananatili at pinahahalagahan ng mga naroroon ang tradisyonal na Khon masked dance. Ngunit dahil hindi tama ang hubog ng kanyang katawan para sa sayaw na ito, tinulungan siya ng isang guru kung paano mapagsasama ang martial arts at ang pagsasayaw. Bunga nito’y ang pagkakalikha ng isang kakaibang fighting style. Ngayon, gagamitin niya ang husay niya rito upang makapag-higanti sa mga taong pumaslang sa kanyang mga magulang noong siya’y bata pa.
Ang Ong Bak 2 ay isang Thai martial arts film na pinagbibidahan at idinirek ng no. 1 Thai action star na si Tony Jaa. Ito ang follow-up sa kanyang 2003 blockbuster action film na Ong-Bak: Muay Thai Warrior. Ginagampanan ni Jaa ang papel ni Tien, isang lalaking ipinanganak sa marangal na pamilya ngunit naghirap nang patayin ang kanyang mga magulang. Sa kanyang paglaki’y natutunan niya ang Khon, isang uri ng sayaw na itinuturo lamang sa mga taong nagmula sa mataas na antas ng lipunan.
Ang ideya para sa kuwento ng Ong Bak 2 ay nagmula sa mga pagsasaliksik ni Jaa habang umiikot sa iba’t ibang bansa para i-promote ang dalawa sa kanyang mga dating pelikula. “Martial arts and action films are the intermediaries that bring people of all races and languages to exchange thoughts and cultures without boundaries,” pahayag ni Jaa.
Ginamit naman ng action dream team na sina co-directors Panna Rittikrao, Jaa at Prachya Pinkaew ang kanilang karanasan mula sa Ong Bak at maging sa isa pa nilang action movie na Tom Yum Goong para higit na mapaganda ang kuwento ng Ong Bak 2. Ito ay hango sa tatlong konsepto - ang martial arts sa iba’t ibang panig ng mundo, ang bagong likhang Natayuth (martial arts style) at ang kuwento ng scar-faced Buddha, isang elemento na magdudugtong at mag-uugnay sa kuwento ng Ong Bak at Ong Bak 2.
Isa na namang maaksyong paghahandog mula sa Viva International Pictures.
- Latest