Dahil kay Cory, TV networks nagbigayan
Manhid na lang ang hindi napaiyak sa interview ni Boy Abunda kay Kris Aquino sa The Buzz noong Linggo.
Naiyak-iyak talaga ako habang pinanonood ko ang pagkukuwento ni Tetay tungkol sa mga huling araw ng pagsasama nila ni President Cory Aquino.
Naka-relate ako sa mga sinabi ni Tetay dahil ulila na rin ako sa ina. Bigla tuloy akong nag-isip kung nakapag-sorry ba ako sa nanay ko noong mamatay ito dahil sa mga kapilyahan ko.
Buong-buo ang kuwento ni Tetay. Walang labis, walang kulang. Hindi ko maiwan ang panonood sa kanya dahil baka may ma-miss ako sa mga kuwento niya tungkol sa mga nangyari habang naka-confine sa ospital si Mama Cory.
* * *
Abut-abot ang pasasalamat ni Kris at ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga nakikiramay sa kanila.
Alam nila na maraming nagmamahal kay Mama Cory pero hindi nila inaasahan na matindi ang pagmamahal ng mga Pilipino sa nanay nila. Naloka ako sa kuwento tungkol sa isang nakiramay na nagpalahaw ng iyak dahil hindi niya matanggap ang pagkamatay ni Mama Cory.
Bakit daw si Mama Cory pa ang namatay, hindi na lang si... Kayo na ang bahalang mag-fill in the blank.
* * *
Hindi ko makalimutan ang kuwento ni Kris tungkol sa pagdalaw kay Mama Cory ni former Senator Tessie Aquino-Oreta.
Nagkaroon kasi ng tampuhan sina Mama Cory at Mama Tessie dahil sa pulitika. Noong nasa ospital si Mama Cory, pinayagan ng kanyang mga anak na dumalaw si Mama Tessie dahil napanaginipan nito ang kapatid na si Ninoy na pinabibisita siya sa ospital at pinagdadala ng bulaklak na stargazer.
Nang magkausap sina Tetay at Mama Tessie, tinanong nito kung favorite flower ni Mama Cory ang stargazer dahil ito ang bulaklak na napanaginipan niya. Hindi ang sagot ni Tetay.
Nang mamatay si Mama Cory, dinala ang kanyang labi sa Heritage Park para ayusin at bihisan.
Hindi nag-order ng bulaklak si Kris dahil alam niya na Philippine flag ang ilalagay sa ibabaw ng ataol ng kanyang ina.
Pero lumapit sa kanya si Racquel, ang empleyado ng Heritage Park. Sinabi ni Racquel na may mga bulaklak siya na pansamantalang ilalagay sa ibabaw ng ataul ni Mama Cory habang hindi pa ito dinadala sa La Salle Greenhills.
Pumayag si Kris pero napaiyak siya nang makita niya ang bulaklak na ibinigay ni Racquel, mga bulaklak ng stargazer. Nagkataon naman na naroroon din sa Heritage Park si Mama Tessie kaya nakita rin nito ang mga bulaklak na napanaginipan na ipinadadala sa kanya ni Papa Ninoy sa pagdalaw niya kay Mama Cory.
May mga pangyayari talaga na mahirap ipaliwanag. Ang basa ko, ang stargazer ang sign ng mensahe na gustong iparating ni Mama Cory kay Mama Tessie na wala na siyang tampo sa kanyang sister-in-law.
* * *
Nakaka-touch ang mga eksena ng paglilipat sa labi ni Mama Cory sa Manila Cathedral. May mga nag-iiyakan nang ma-sight nila ang ataul ni Mama Cory, may mga nagpalipad ng mga dilaw na lobo at literal na umulan ng confetti sa mga lugar na dinaanan ng funeral procession.
Masayang-masaya ang isang TV reporter dahil first time na nakita niya na naghiraman ng mga TV camera ang GMA 7 at ABS-CBN as in dahil kay Mama Cory, pansamantalang nawala ang network war ng dalawang higanteng TV stations.
Nakita ng buong bayan na puwedeng-puwede na magkaisa ang lahat kung magtutulungan tayo at hindi paiiralin ang pride.
Bukas ang libing ni Mama Cory sa Manila Memorial Park.
Nakikita ko na ang mga mangyayari. Tatagal ng maraming oras ang biyahe mula sa Manila Cathedral hanggang sa Parañaque City dahil sa libu-libong tao na sasaksi sa kanyang libing.
- Latest