Jacko tinawag na adik sa warrant
MANILA, Philippines - Addict ang tawag ng Los Angeles Police at Federal Drug Enforcement Administration sa yumaong singer na si Michael Jackson sa search warrant na ginamit nila sa paghalughog sa bahay ng personal niyang doktor na si Dr. Conrad Murray sa Las Vegas noong Martes.
Hinihinala ng mga awtoridad na ang sobrang gamot na ibinibigay kay Jackson ang nagpahinto sa tibok ng kanyang puso na siya niyang ikinamatay noong Hunyo 25.
Sinalakay nila ang bahay ni Murray para mangalap ng ebidensiya laban dito.
Ayon sa search warrant, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sobrang gamot na inirereseta sa isang addict.
Isang law enforcement official ang nagsabing, noong araw na mamatay si Jackson, binigyan ito ni Murray ng gamot sa anesthesia na propofol para makatulog ang King of Pop.
Samantala, nanalo ang ina ni Jackson na si Katherine sa paghahabol nito sa mga anak ng singer.
Nagkaroon ng kasunduan na mananatili sa poder ni Katherine ang mga anak ni Jackson kay Debbie Rowe na sina Prince Michael, 12, at Paris Michael, 10. Gayunman, binigyan naman si Rowe ng karapatan na madalaw ang mga bata at isagawa ang kanyang responsibilidad bilang ina ng mga ito. (AP)
- Latest